KUNG hindi pa makamedalya sa volleyball sa SEA Games, ewan na lang.
Mas nagkaroon ng tsansa ang Philippine women’s volleyball team na makamedalya sa 30th Southeast Asian Games sa Disyembre matapos umatras ang Singapore para malimitahan ang kompetsiyon sa apat na koponan.
Ito ang balitang hatid ng pamunuan ng Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. matapos ang 12-day training ng national women's volleyball squad sa Japan.
Ayon sa mga naunang lumabas na ulat online, umurong na rin ang Singapore kasunod na pag-atras ng Malaysia.
Dahil dito, apat na koponan na lamang kabilang ang defending champion Thailand, Vietnam at Indonesia ang lalaro sa women’s side ng volleyball event.
Unang makakatunggali ng ating koponan na binubuo nina Alyssa Valdez, team captain Aby Marano, Majoy Baron, Kalei Mau, Dawn Macandili, Rhea Dimaculangan, Mika Reyes, Mylene Paat, Maddie Madayag, Ces Molina, Kath Arado at Jia Morado ang mga Vietnamese sa Disyembre 3, kasunod ang Thailand sa Disyembre 5 at Indonesia sa Disyembre 7 sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Maglalaban ang apat na koponan sa single round robin kung saan ang dalawang mangunguna ang magtutuos para sa gold at ang dalawang maiiwan ang maghaharap para sa bronze.
Samantala, pitong koponan naman ang maglalaban-laban sa men's division na hinati sa dalawang grupo.
Ang PH national team ay kabilang sa Pool B kasama ng 2017 Kuala Lumpur SEA Games runner-up Indonesia, bronze medalist Vietnam at Cambodia.
Magkakagrupo naman sa Pool A ang defending champion Thailand, Myanmar at Singapore.
Ang top two teams sa dalawang grupo ang uusad sa crossover semifinals kung saan ang mananalo ang maghaharap para sa gold medal. Marivic Awitan