“HINDI totoo ang ikinakalat na impormasyon ng mga laban sa dam na iniendorso ng lokal na pamahalaang ito. Hindi nito iniendorso ang proyekto, maging ang environmental compliance certificate (ECC) nito,” wika ni Vice Mayor Leovigildo Rozul ng General Nakar, Quezon sa phone interview nitong Huwebes. Ang tinutukoy niya ay ang Kaliwa Dam project na isinusulong ng Metropolitan Waterworks Sewerage System (MWSS) na nagkakahalaga ng P18.7 billion bilang malaking bahagi ng New Centennial Water Source Project para malunasan ang umano ay krisis sa tubig sa Metro Manila. Noong Oktubre 11, ibinigay ng DENR ang ECC pagkatapos matupad ng proyekto ang Presidential Decree 1586 o ang Environment Impact System (EIS) batay sa rekomendasyon ng Environmental Impact Assessment Review Committee.
Ang problema, binabraso ng gobyerno ang paggawa ng nasabing proyekto. “Lahat ay ginagawa para maaprubahan ang proyekto. Binalewala ng DENR ang mga reaksiyon na isinumite ng aming grupo. Hindi man lang pinag-aralan mabuti ang EIS,” sabi ng paring Katoliko na si Pete Montallana, pinuno ng Save Sierra Madre Network Alliance at spokesperson ng Stop Kaliwa Dam Network na binubuo ng 50 samahan na kinokontra ang proyekto. Bakit hindi lalabanan ang pagpapagawa nito? Eh sisirain ang ecosystem at ilalagay sa panganib ang kapaligiran ng Teresa at Tanay sa Rizal at ang General Nakar at Infanta sa Quezon. Bukod dito, ayon kay Dumagat Sierra Madre secretary general Wilma Quierrez, nahaharap na mapaalis sa kanilang ancestral land ang 20,000 Dumagat mula sa 18 nayon.
Inamin ni VM Rozul na dahil sinusuportahan ng Pangulo ang proyekto, walang magawa ang mga lokal na opisyal partikular sa Quezon para tutulan ito. “Pagpapanggap na konsultasyon gamit ang mga impormasyong teknikal, na banyaga sa aming pagdinig na hindi makatutulong para malinawan ng taumbayan ang tungkol sa proyekto, ang ginawa ng mga tao at ahensiya ng gobyerno na nagsusulong sa proyekto,” wika ni Rozul. Hindi lang sinusuportahan ito ng Pangulo kundi proyekto niya ito mismo na iniutang na niya ng bilyung piso sa China. At China mismo ang gagawa. “Negotiated contract ito mula pa sa simula pagkatapos na ang tanging pag-aari ng China na China Energy Engineering Corp. Ltd. ang lumabas na kwalipikado sa proseso,” sabi ng Commission on Audit nito lang Agosto.
Katolikong pari na naman ang matapang na nangunguna sa laban ng bayan sa isyung ito na Kaliwa Dam Project. Kasi, ang mga opisyal na pinili ng mamamayan para pamunuan sila ay “walang magawa” dahil suportado ito ng Pangulo. Ganito noong panahon na mabangis na nanalasa at pumapatay ang war on drugs ng Pangulo, mga pari ang kumatawan sa taumbayan para ilaban ang kanilang saloobin laban dito. Mga pari rin ang katuwang noon ng mamamayan nang isulong nila ang laban at pabagsakin ang diktadura. Namumuro ang gulo para sa katwiran at katarungan sa bahaging ito ng bansa kung saan iginigiit ang Kaliwa dam proyektong nakapipinsala sa interes ng mamamayan.
-Ric Valmonte