MAYROONG ‘di bababa sa 45 na malalaking proyekto ang kasalukuyang ginagawa, na bahagi ng malawakang programang pang-imprastraktura ng pamahalaan at nasa 75 porsiyento rito ay inaasahang matatapos bago ang pagwawakas ng administrasyon ni Pangulong Duterte sa 2022, pagbabahagi ni Secretary Mark Villar ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa isang round-table interview sa Manila Bulletin nitong nakaraang Martes.
Ilan sa mga proyektong ito ay may layuning mapaluwag ang mga lansangan sa Metro Mnila at bumuo ng mga bagong lagusan o koneksiyon sa ibang bahagi ng bansa, aniya. Nabanggit niya ang Metro Manila Skyway Stage 3, Harborlink, C-5, Southlink, ang NLEX-SLEX Connector, at ang Cavite-Laguna Expressway.
Habang ang malalaking proyekto ay nasa probinsiya—ang mga riles at expressways at mga tulay, paliparan at mga pantalan, dam at sistemang irigasyon sa buong Luzon, Visayas at Mindanao.
Inaasahang makukompleto ang unang batch ng mga proyekto sa 2021, aniya, habang ang ikalawa ay sa 2022, sa pagtatapos ng panunungkulan ni Pangulong Duterte. Sa lahat ng mga proyektong ito, aniya, “Definitely, we will be looking at a different country from when we came in.”Dagdag pa niya: “Whatever suffering we have now, it’s for a good purpose…. Medyo luluwag na ang traffic by next year.”
Pinoproblema ni Secretary Villar ang tumitindi pang problema sa trapiko, nang ibahagi niya ang tungkol sa mga isinasagawang proyektong konstruksiyon sa maraming bahagi ng Metro Manila. Gayunman, habang ang malalaking proyekto ay nasa bahagi ng Metro, tinitingnan ng ahensiya ang buong bansa, at ang pangangailangan nito, aniya. Bukod sa 45 malaking proyekto, mayroon rin umanong libu-libong maliliit na pinag-aaralan at ipinatutupad.
Maaaring hindi matapos ang lahat ng malalaking proyekto bago ang 2022, ngunit kumpiyansa naman si Secretary Villar na maipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang ambisyosong master plan na “Build, Build, Build.”
Lubos tayong umaasa na mangyayari ito—na ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang programang pang-imprastraktura ng administrasyong Duterte. May sarili ring suliranin ang mga nagdaang administrasyon—ang pagkaisahin ang iba’t ibang grupo na bumubuo sa bansa, na magbibigay ng wakas sa dekadang rebelyon ng mga komunista, pag-unlad ng ekonomiya ng bansa, pamumuno sa bahaging ito ng mundo.
Sinimulan ng administrasyong Duterte ang kanilang trabaho sa pagpapatupad ng malawakang kampanya kontra ilegal na droga na naharap sa matinding pagsubok sa pagbabago ng mga ranggo sa pulisya. Plano rin nitong ipagpatuloy at isulong ang pederal na porma ng pamahalaan sa pamamagitan ng isang bagong konstitusyon.
Ngunit maaaring pinakamaalala ito para sa malawakang programang pang-imprastraktura, ang “Build, Build, Build,” na may 45 malalaking proyektong ipinatutupad ngayon. Kaya naman umaasa tayo na kung ano mang proyekto ang hindi matapos hanggang 2022, makikita ng susunod na administrasyon ang kahalagahan ng programa at maipagpatuloy at mapanatili ito bilang malaking bahagi ng pag-unlad at pagsulong ng Pilipinas.