ISANG kasunduang pangkalakalan (trade) ang posibleng lagdaan ng United States (US) at China sa Asia Pacific Economic Conference sa Chile sa darating na Nobyembre 16-17, sinabi ni US President Donald Trump, kamakalawa. “We’re working with China very well,” ani Trump. “I think it will signed quite easily, hopefully by the summit in Chile where President Xi and I will both be.”
Sinabi na Trump na bilang bahagi ng unang hakbang para sa inaasahang kasunduan, pumayag ang China na bumili ng nasa $50 bilyong halaga ng argrikultural na produkto ng US kada taon. Habang ang ikalawang bahagi ay inaasahang pag-uusapan ang iba pang isyu tulad ng sapilitang “technology transfer.”
Nagdusa ang ekonomiya ng mundo mula nang magsimula ang trade war 15 buwan na ang nakararaan nang simulan ni President Trump ang pagpapataw ng taripa sa mga inaangkat na produktong China para sa hakbang na maitama aang malaking trade deficit. Tinugunan naman ito ng China sa pagpapataw ng sarili nitong taripa sa mga produktong US.
Nagkaroon na ng mga pag-uusap ang ilang mga trade official at ang anunsiyo ng magkabilang-panig na tila pagkambiyo sa ilang naunang pahayag at tindig. Gayunman, nagpatuloy ang trade war na tila isang pagsakay sa roller coaster, kakabit ang pag-asa para sa isang pag-uusap, na bumibigo lamang sa kasunod.
Bagamat ang mga magsasaka ng soybean sa Amerika ang karamihan sa direktang apektado kasama ang mga manufacturer at exporter ng China, ramdam din ng ibang mga bansa sa mundo ang epekto ng trade war, lalo’t ang US ang pinakamalaking tagaangkat at China at pinakamalaking tagaluwas. Tulad ng isinasaad sa ibang mga ulat, ramdam ang epekto nito mula sa fjords ng Iceland hanggang sa mga pabrika ng sasakyan sa Japan.
Sinabi ng International Monetary Fund (IMF) na nagdulot ng pagbagal sa paglago ng ekonomiya ng mundo ang epekto ng trade war sa maraming mga bansa, nitong 2019 sa tatlong porsiyento, ang pinakamababa sa nakalipas na dekda. Partikular na naramdaman ang epekto nito sa mga bansa sa Europa na umaasa ng malaki sa pagluluwas, ayon sa European Union economic and financial affairs commissioner. Ibinaba ng Germany trade group ang export forecast nito para sa 2019 sa 0.5 porsiyento mula 1.5 porsiyento. Ang Iceland na nakadepende ng malaki sa turismo ay napaulat na bumaba ang pagdating ng mga bisita sa 15.6 porsiyento mula noong nakaraang taon.
Habang ang mga papaunlad na bansa tulad ng Pilipinas ay bigong mapanatili ang paglago ng ekonomiya na kailangan nila upang mabawasan ang kahirapan, habang umaabot na sa “critical threshold” ang nagpapatuloy na trade war ng US-China, ayon kay Finance Secretary Carlos Dominquez III. “Beyond this point we see a world thrown into economic decline.”
Ang lumalalang tensiyon sa kalakalan sa pagitan ng Washington at Beijing ang nagpataas ng tiyansa sa inaasahang pagbagal ng ekonomiya ng mundo, aniya. Nasa 47% ng mga low-income na bansa ay nasa “debt distress” na ngayon, paalala pa niya, bilang pagtukoy sa mga paghihirap na matugunan ang pambansang utang.
Matapos ihayag ni US President Trump ang kanyang ekspektasyon na maaari nang lumagda sa isang kasunduan ang US at China na magbibigay wakas sa kanilang trade war sa Nobyembre 16-17, kinumpirma ni China Vice Foreign Minister Le Yucheng na nagkaroon na nga ng pag-usad sa kanilang pag-uusap. Anumang problema ay masosolusyunan, hangga’t inirerespeto ng magkabilang panig ang isa’t isa, aniya sa Xiangshan Forum sa Beijing. “The world wants China and the US to end their trade war,” aniya.
Ito ang pinakamagandang balita sa nagaganap na trade war ng US at China. Kasama tayong umaasa, tulad ng lahat ng mga bansa sa mundo, na sa wakas, isang kasunduan ang maaabot at isang malaking pagsubok sa pagsulong ng ekonomiya ng mundo ang malalampasan na.