ANG totohanang paghuhukay o ‘yung madalas nating marinig na “dredging operations” ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa makasaysayang Pasig River, ang siya lamang makatutulong upang ganap na makabiyahe ang mga ferry boat na sinasabing makatutulong sa paglutas sa problema sa trapiko sa Metro Manila.
Puro drawing at kuwento lamang kasi ang mga naririnig natin na mga “dredging operations” ng DPWH sa Pasig River na sa tantiya ko, sa laki na nang budget na napunta rito – kung talagang nagastos sa paghuhukay – malamang tagos na ito sa kabilang parte ng mundo sa lalim ng nahukay nila!
Saksi ako sa naging problema ng mga unang ferry boat na bumiyahe sa Pasig River – 24 na fully air-conditioned na mga catamaran boats na ginastusan ng daang milyung piso – dahil kaibigan ko ang negosyanteng naglakas-loob na pasukin ito noong administrasyon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Ngunit sa halip na kumita ay nauuwi sa pagka-bangkarote ang napakagandang layunin ng proyektong ito, dahil sa matinding polusyon at makapal na burak ng Pasig River na ipinagmamalaki noon ng DPWH, na nahukay at nalinis na nito.
Mga 50 ang pasahero na bumababa at sumasakay sa 10 istasyon sa kahabaan ng Pasig River mula sa Intramuros hanggang sa dulo ng Pasig City, at umaabot na noon sa 10,000 tao ang sumasakay rito araw-araw, na karamihan ay estudyante at mga empleyado sa gobyerno at pribadong establisyamento.
Nasaksihan ko kung paano umandar ang mga ferry boat na ito na biglang hihinto bago pa man makarating ng istasyon, dahil sa napuluputan at naipitan ng kung anu-anong basura ang elisi at makina ng bangka.
Kaya’t ang naging solusyon ng negosyanteng si Eddie Manuel para hindi mabitin ang pagbiyahe at magpatuloy ang kanilang pagseserbisyo, ay magsama ng diver ang bawat ferry boat na sumisisid agad tuwing hihinto ang ferry, para alisin ang mga basurang nahigop ng makina!
Sa makailang ulit ko na pagsama sa biyahe – nakita ko ang mga basurang gaya ng mga goma ng sasakyan, bulok na refrigerator, at iba pang kasangkapan sa bahay, mga baging ng water lily, patay na hayop at sandamakmak na plastik na inanod ng current sa ilalim ng ilog.
Sa isang bahagi pa nga ng Pasig River, ‘di kalayuan sa Palasyo ng Malacañang, may isang malaking cargo boat na nakalubog ng mga panahon na iyon, na ilang ulit ding nasabitan ng mga ferry boat. ‘Di ko lang alam kung natanggal na ito sa mga nakaraang ipinagmamalaking “dredging operations” kuno ng DPWH na aking narinig at nabasa sa mga press release nito.
Mula noong matigil ang operasyon ni Eddie Manuel, may dalawa pang mga kumpaniya ang naglakas ang loob na maglagay ng ferry boat – malalaki at maliliit – para bumiyahe sa Pasig River, at ang pinakahuli, sa ngayon, ay pinamamahalaan naman ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Hindi air-conditioned ang mga ferry boat kaya hindi masyadong bumebenta sa mga sumasakay ang mga ito. Dagdag pa ang kaliitan ng bawat bangka kaya konti rin ang naisasakay sa bawat biyahe. Bukod pa rito ang halos magiba na mga istasyon na sinasakayan at binababaan ng mga pasahero.
Kamakailan lang ay isinusulong ni Senator Sonny Angara ang paggamit ng mga ferry boat sa Pasig River dahil sa nakita niya ang potensiyal nito na makatulong na maibsan ang daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Aniya: “I have mentioned this before after seeing the potential of the Pasig River ferry as a way to ease traffic in the metropolis. A feasibility study has already been conducted for this project and from what we have been told, we can have a fully operational ferry transport system in just one year.”
Dagdag pa niya: “Unlike the road infrastructure, which entails massive disruptions to traffic and other issues such as road right of way, the Pasig River ferry project simply involves constructing or refurbishing the stations and purchasing the vessels.”
Malaki ang tama rito ni Angara – walang duda – kaya lang, dapat tutukan at bantayan ng 24/7 ang “dredging operation” na sinasabi niyang gagawin ng DPWH, at baka mahokus-pokus lamang ang naturang paghuhukay, at mapurnada na naman ang proyektong Pasig River Ferry na pinaka-aabangan ng mga mamamayan.
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.