IPINAGDIWANG ng mga magsasaka sa probinsya ng Quezon ang World Food Day nitong nakaraang linggo sa pamamagitan ng kilos-protesta na kanilang ginanap malapit sa tanggapan ng provincial governor. Sila ay ang bumubuo ng mga samahang Kilusan para sa Tunay na Repormang Agraryo at Katarungang Panlipunan (Katarungan), Ugnayan ng mga Magsasaka sa Gitnang Luzon at Kilusang Magbubukid ng Bondoc Peninsula.
Hinamon ng mga magsasaka ang mga lokal at nasyonal na opisyal na tumira sa kanila kahit isang araw upang personal nilang maranasan ang magutom at maging mahirap. “Upang maintindihan mabuti ng mga opisyal na ito, at madama kung paano maging mahirap at magutom, hinahamon namin sila na tumira at makisalamuha sa mga mahirap at nagugutom na magsasaka,” wika ni Spokesperson Jansept Geronimo ng Katarungan sa isang pahayag. Aniya, bibigyan ng mga magsasaka ng pansamantalang tirahan ang mga opisyal na ito upang maranasan nila ang tinatamasang kahirapan ng mga napabayaan ng gobyerno at kabiguang lutasin ang ugat ng kahirapan at kagutuman. “Bago sila matulog sa pansamantala nilang tirahan, ang mga opisyal na ito ay siguradong magkakaroon ng pagkakataong makausap ang mga magsasaka at mabatid nila kung bakit ang mga ito ay hindi kumakain ng wastong dami at dekalidad na pagkain at kung bakit hindi nakapag-aaral ang kanilang mga anak,” sabi pa ni Geronimo.
Hinihiling ng mga magsasaka sa gobyerno na lunasan nito ang lumalalang sitwasyon ng mga coconut farmers. Nais nilang ibalik kaagad sa kanila ang multi-billion-peso na coconut levy fund at masawata ang pagbagsak ng presyo ng kopra. Ikinalulungkot nila ang kawalan ng suporta ng gobyerno sa mga land reform beneficiaries sa Quezon’s Bondoc Peninsula district.
Sa Pilipinas, tulad ng ibang mga bansa sa Asya, ang mga magsasaka ang pinakamalaking sektor ng lipunan. Pero, hindi tulad ng mga ibang bansa, sa Pilipinas, ang sektor ng magsasaka ay hindi gaanong kinakalinga at minamahal ng gobyerno. Sa panahon ng halalan, ang mga magsasaka at mga dukha at gutom ay ginagawang sangkalan ng mga pulitikong nagnanais na makapuwesto sa gobyerno. Pero sila rin ang sangkalan para paduguin ang kaban ng bayan kapag ang mga pulitikong ito ay nasa kapangyarihan na. Tignan ninyo ang anomalya na ginawa ng mga mambabatas sa kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF), matagumpay nilang naibulsa ang pondo ng bayan dahil maigi nilang nagamit na dahilan ng mga paglabas ng pondo ay ang kapakanan ng mga magsasaka para umano sa gagamitan nilang fertilizer. Bukod dito, iba ang tinutulungan ng ating gobyerno. Ayan ang Rice Tarrification Law na ang ipinabibili ng gobyerno sa mga negosyante ay ang bigas ng mga banyagang bansa sa napakababaw na dahilan na kakulangan umano ng bigas sa ating bansa para makain ng mamamayan. Nagkakaganito tayo dahil peke ang ating repormang agraryo na hindi napapakinabangan nang lubusan ang kayang ibigay ng ating lupain. Tama ang reklamo ng mga magsasaka, walang tulong na ibinibigay ang gobyerno sa land reform beneficiaries hindi lang sa probinsya ng Quezon. Talagang puputok sa bansa ang kahirapan at kagutuman. Malunasan ba ito ng inilunsad na kampanya ng gobyerno laban sa komunista at terorista gayong ang kahirapan ang dahilan ng pagalsa ng mamamayan?
-Ric Valmonte