ANG pagdinig sa taunang pambansang budget na inaasahang muling lilikha ng bangayan sa pagitan ng Senado at Kamara ay tiyak na sisiklab sa pagbabalik ng Kongreso matapos ang bakasyon.
Tulad sa nakalipas, inaasahang ang mainit na bagay na magpapasiklab ng bangayan ay ang isyu hinggil sa pagbabago at pagsisingit. Halimbawa, ang Department of Health, maliban na lamang kung magkaroon ng pagbabago sa mataas na kapulungan, ay mangangailangan ng P100 bilyon para sa pangunahing serbisyong pangkalugan pa lamang.
Tulad ng mungkahi, ang budget sa susunod na taon, ang pinakamalaki sa kasaysayan, ay tumataginting na P4.1 trilyon.
Sa kabila nito, ilang ahensiya ang apektado ng ‘di makatwiran na pagtatapyas ng pondo. Kung tatanggapin lamang ng Senado ang bersiyon ng Kamara para sa hangaring matuwa ang Ehekutibo, maaapektuhan nito ang mungkahi ng Department of Education na tumanggap ng 43,313 guro para matugunan ang tambak na trabaho. Sa halip kasi na ibigay ang P10.45 bilyong appropriation para sa naturang item, binawasan pa ito sa P1.27 bilyon.
Maging ang apela ng DepEd para sa P10.45 bilyon upang lumikha ng 56,558 non-teaching position sa mga paaralan ay nabasura, na nakatanggap lamang ng P204 milyon, katumbas lamang ito ng 525 na posisyon. Maging ang Commission on Higher Education ay nakatanggap din ng P11.6 bilyon pagtapyas sa budget, na tiyak na makaaapekto sa scholarship program at libreng matrikula ng ahensiya. Sa katunayan, mahaba ang listahan ng mga ahensiyang apektado ng pagtatapyas na ito.
Sa kabilang banda, kapansin-pansin naman ang naging paglobo ng discretionary funds ng Pangulo, intelligence budget at social welfare fund. Ngunit ang pinakamahirap na balakid na kaakibat ng pag-aapruba ng 2020 budget ay ang pagsisiguro na makakakuha ang mga mambabatas ng kanilang bahagi ng proyekto sa iba’t ibang ‘disguise.’ At ito ang tinatawag nating ‘pork barrel.’
Ang pork barrel ay isang pangunahong legasiya ng post-US Civil War na ipinakilala ng mga Amerikano sa politikal na sistema ng Pilipinas nang buuin ang lehislatura ng bansa, na ibinase sa kanilang demokratikong istruktura. Alinsunod, nagsimula ito bilang isang ‘plantation practice of distributing rations of salt pork to slaves from wooden barrels.’
Sa Pilipinas, naging maingay ang eskandalo sa pork barrel sa panahon ng ikalawang administrasyong Aquino nang maglabas ang Korte Suprema ng tiyak na desisyon dito. Ang eskandalo na ito ang tila ang isang bomba na humabol sa mga oportunista na nahaharap sa mga asunto sa korte, kabilang ang plunder.
Nananitiling kontrobersiyal ang debate hinggil sa taunang budget dahil sa hangarin ng mga mambabatas na makabahagi ng mas malaking parte sa pondo sa porma ng mga proyekto, na nangangahulugan namang magbibigay sa kanila ng pagkakataon na makapili ng kontraktor na hahawak sa proyekto, sa malinaw na kasunduang makakakuha ng komisyon ang mambabatas.
Higit sa pork barrel, kailangan magpatupad ng Estado ng panuntunan at mekanismo na magpapahintulot sa mga ahensiya na magkaroon ng kontrol sa pagtatapyas ng pondo, lalo na kung may mga batas na nagmamandato rito na ipatupad ang kani-kanilang agenda.
-Johnny Dayang