MABUTI na lang may pruweba si JM de Guzman na ipinakita sa ABS-CBN management kaya naniwalang wala siyang kasalanan sa kasong frustrated murder na isinampa ng nangangalang Pitt Norman Zafra dahil kamuntikang hindi iere ang top rating show ngayong Pamilya Ko kasama sina Joey Marquez, Irma Adlawan at Sylvia Sanchez handog ng RSB Unit.

JM DE GUZMAN

Sa 15th year ng Cinema One Originals presscon namin nakausap si JM at nagkuwento siya tungkol dito.

“Naapektuhan po, ‘yung show ko, muntik nang i-shelve because I have to maintain a good image na tapos biglang may ganu’n. So nalaman nga ng management so, I proved them na, hayun ipinakita ko lahat (pruweba).”

Tsika at Intriga

'Back to you mamang!' Chloe, rumesbak kay Ai Ai matapos hiwalayan ni Gerald?

Ano na ang update ng kaso, “May naka-set na po na hearing at doon na lang namin aayusin. Nagkaroon na kami ng appearances at first hearing ito,” saad ng aktor.

Dagdag pa, “Confident po ‘yung team namin na maaayos po ito legally and alam naming nasa tama kami.”

Samantala, natanong namin kung hindi pa namamaga ang mukha ni JM sa kasasampal sa kanya ng nanay Luz (Sylvia) niya sa eksena sa Pamilya Ko na simula palang ay tadtad na siya ng sampal.

“Lumagpas (kumawala) na nga ‘yung kaluluwa ko (sabay muwestrang lumipad),” nakangiting saad nito.

May daya ba ang pananampal, “dito (kanang bahagi ng panga) ako nagpapasampal para kaya kasi kung dito (pisngi), masakit talaga.”

Kapag may sakitan ay nanghihingi ng dispensa ang nakasakit pagkatapos ng eksena.

Pero sa kaso ni Ibyang ay hindi na dahil, “Kasi alam naman namin na makakatikim kami so, pine-prepare na namin. Alam din ng mga bata ‘yun, ‘yung mga babae (anak sa serye). Kasi kung tumama ang buto mo sa palad, nakaka-lock jaw ‘yun,” paliwanag ng aktor.

Binanggit namin na top-rated ang show nila at ni minsan ay hindi pa ito naungusan ng katapat nilang programa sa ibang TV network.

“Thank you Lord! Magaling po kasi ‘yung buong team saka ‘yung materyal para sa pamilya talaga,” masayang sagot ni JM.

Anyway, ang pelikula ni JM kasama si Alessandra de Rossi na kasama sa Cinema One Original Film Festival ay ang Lucid na idinirek ni Victor Villanueva na ang paglalarawan ay isa itong paranormal romance.

Ang Lucid ayon kay JM, “It’s a lucid dreaming, you can control your dreams at puwede kang gumalaw sa panaginip mo at nag-meet nga kami sa dreams, ‘yung karakter ni Alex na isang empleyado, kapag nananaginip, doon siya nag-eenjoy at doon ako pumapasok.

Magsisimula na ang Cinema One Originals sa Nob. 7 hanggang 17 at ang magiging opening film this year ay ang “Lighthouse” (Nob. 7) na gaganapin sa Ayala Mall, Manila Bay Cinema 7. Ang nasabing pelikula ay kasama rin sa World Cinema Winners 2019.

Ang iba pang pelikulang kasama sa Cinema 1 filmfest bukod sa “Lucid,” ay ang Metamorphosis, O, Sila Sila, Tayo Muna Habang Hindi Tayo, Tia Madre, Utopia, at Yours Truly, Shirley.

-REGGEE BONOAN