WALA nang panahon para tibagin ang Ateneo sa liderato. Ngunit, wala na ring makadidikit sa University of the Philippines para sa No.2 spot sa labanan sa Final Four.

(RIO DELUVIO)
Napatatag ng Maroons ang kapit sa No.2 spot sa nalalapit na pagtatapos ng double-round eliminaton sa UAAP men’s basketball matapos malusutan ang National University Bulldogs, 80-77, nitong Miyerkoles sa Araneta Coliseum.
Kumabig si Jun Manzo sa krusyal na sandali para sa Maroons sa naiskor na 12 sa kabuuang 14 puntos sa final period, tampok ang dalawang free throw sa huling 17 segundo para sandigan ang UP sa ikalawang sunod na panalo at patatagin ang marka sa 8-4.
Makasisiguro ang UP sa posisyon sa sandaling mabigo ang Far Eastern University, sumasabak laban sa Adamson, o kabiguan ng La Salle kontra sa UST Tigers.
“The expectations are a little higher than that. Parang dapat lang na nandoon tayo,” pahayag ni coach Bo Perasol. “But we have to count our blessings. We can’t go to the highest point of the competition if we can’t get to the next level.”
Hataw si Kobe Paras sa naiskor na 19 puntos, anim na assists, apat na rebounds, at isang block, tampok ang three-pointer na nagbigay sa Maroons ng 77-70 bentahe may 3:02 ang nalalabi sa laro.
Matikas na nakihamok ang Bulldogs at nagawang maidikit ang iskor sa 77-75, ngunit nagpakatatag ang Maroons. May tsansa pa na maihirit ang overtime subalit sumablay ang pagtatangka ni Shaun Ildefonso sa buzzer.
Kumabig si Bright Akhuetie sa UP na may 16 puntos, 12 rebounds, dalawang assists, at dalawang steals, habang kumana si Juan Gomez de Liano ng 11 puntos, 11 rebounds, at anim na assists.
Nanguna sa NU si JV Gallego sa nailistang career-best 20 puntos, limang rebounds, at tatlong assists, habang umiskor si Dave Ildefonso ng 24 puntos, anim na boards, anim na assists, at tatlong steals.
Sibak na ang NU na may 2-10 karta.
-Marivic Awitan
Iskor:
UP (80) -- Paras 19, Akhuetie 16, Manzo 14, Ju. Gomez de Liano 11, Rivero 8, Webb 5, Ja. Gomez de Liano 4, Prado 3, Gozum 0, Jaboneta 0, Murrell 0, Tungcab 0.
NU (77) -- D. Ildefonso 24, Gallego 20, Oczon 12, S. Ildefonso 10, Gaye 6, Joson 2, Minerva 2, Galinato 1, Clemente 0, Diputado 0, Malonzo 0, Mangayao 0, Rangel 0, Yu 0.
Quarterscores: 13-11, 32-25, 56-51, 80-77.