NANG magsimulang bumagsak ang ulan noong Hunyo, nakahinga nang maluwag ang mga residente ng Metro Manila, lalo na ang mga naninirahan sa silangang bahagi na dumanas ng matinding kakulangan sa tubig. Nasa panahon na tayo ngayon ng ‘ber’ months, kung kailan tila nasa pinakamaayos ang buhay sa ating bansa—unti-unti nang lumalamig ang panahon, nagsisimula na ang anihan, habang patuloy na tumataas ang diwa ng parating na panahon ng Kapaskuhan sa Disyembre.
Nitong nakaraang linggo, nag-abiso sa mga residente ang dalawang nagsusuplay ng tubig—ang Maynilad at Manila Water-- para sa posibleng pagrarasyon ng tubig dahil sa patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat at Ipo dam. Hindi ito isang krisis sa tubig tulad nang naranasan natin noong mga buwan ng tag-init. “We just have to proactively warn our customers about the possibility of our having to implement rotational service interruptions, given the scant rains that have been falling,” pahayag ng tagapagsalita ng Maynilad.
At nitong nakaraang Martes, inanunsiyo na ng Maynilad at Manila Water na kailangan na nilang iimplementa ang “rotational water service interruption” simula ngayong araw, na maaaring magtagal hanggang sa susunod na taon, dulot ng patuloy na bumababang lebel ng tubig sa mga dam. Habang una nang binawasan ang alokasyon ng tubig para sa irigasyon.
Walang dudang ang tumataas na bilang ng populasyon ay isang salik dito. Milyon-milyong tao ang ngayo’y naninirahan sa Metro Manial, na lahat ay nangangaialngan ng tubig, na isinusuplay ng Angat at Ipo, na may ilang bahaging nagmumula sa Laguna de Bay. Nitong buwan ng mainit na panahon, lumutang ang usapin hinggil sa paghahanap ng bagong mapagkukunan ng tubig, kabilang ang mungkahing Kaliwa Dam at muling pagbuhay sa Wawa Dam. Gayunman, may ilang kontra sa pagtatayo ng Kaliwa Dam sa probinsiya ng Quezon, mula sa mga katutubo na nakatira sa lugar na maaaring mawalan ng tirahan at sakahan sa puntong malunod sa tubig ang kanilang lupain.
Nariyan din ang salik sa climate change. Hindi tayo nakatanggap nang maraming ulan mula sa habagat o southwest monsoon ngayong taon. At hindi rin natin naranasan ang karaniwang serye ng mga bagyo na nagbabagsak ng tubig sa ating mga isla, habang patungo sa Asian mainland. Sa halip, lumilihis ang mga ito, ang huli nga ay ang ‘Hagibis”—na tumama sa Japan.
Ilang solusyon upang maisaayos ang suplay ng tubig ang iminungkahi at inaprubahan na ngunit mangangailangan naman ito ng panahon bago maimplementa. Kabilang dito ang pagtatakda sa mga bagong itatayong proyekto na maisama sa probisyon ang pagtatabi ng tubig-ulan upang umayuda sa suplay ng Metro Manila Water District at ang dalawang pribadong water concessionaries.
Sa mga nakalipas na buwan, maraming suliranin ang dumarating sa atin na nagdudulot ng malaking epekto sa mga ordinaryong mamamayan—ang inflation noong 2018, ang kakulangan sa tubig ngayong taon, ang sunod-sunod na outbreak sa dengue, measles, at polio na patuloy na nananalasa sa ating bansa, at ngayon ang napipintong kakulangan sa tubig.
Tulad sa mga nakalipas na problema ng kakulangan, malalapasan natin ito dahil sa ‘resiliency’ ng ating mga mamamayan at mayroon naman tayong ibang mapagkukunan na maaaring masandalan. Ngunit ang napipintong kakulangan sa tubig sa panahon na hindi naman dapat mangyari ay dapat na tumapik sa balikat ng ating mga opisyal para tumindig at simulan na ang kanilang mga plano para sa dam, weir at iba pang water-saving projects. Sa bulto nang tubig ulan na ating natatanggap, hindi natin dapat ito pinoproblema. Kailangan lamang natin itong itabi para sa hindi maiwasang panahon ng kakulangan, sa ating mabilis na lumalagong populasyon.