ANG ipinatutupad na pagbaklas sa mga kung anong nakahambalang sa bangketa at sasakyang ginawang paradahan ang lansangan, kahit batid ng mga pasaway, daluyan at pampublikong gamit ito, sana laon nang iniutos ng mga nagdaang panguluhan. Salamat kay Presidente Rodrigo Duterte, biglang nagsipag ang mga lokal na opisyal. Baka nga naman masuspinde sila ng DILG. Dapat kasi, ang ganitong suliranin simula pa agad-agad ay inaaksyunan na. Para huwag magkaagiw ang mga istraktura o pamamaraan na labag sa batas at mga ordinansa. Para rin ito sa kaayusan at disiplina ng ating lipunan. Mahirap yang “gulpi de gulat” sa pag-tanod ng mga daanan at lansangan. Paniwala kasi ng mga tao niyan, halimbawa, kapag nakapatayo na ng pagkakakitaan sa ilalim ng overpass, paradahan ng sasakyan, sabay sa nakasanayan sa panahon, may titulo na sila na maaaring itutol sa mga kinauukulan.
Matagal nang krisis sa ating mga lungsod, taga-Metro Manila ka man, Cebu o ano pang mga naglalakihang lungsod, ang kawalan ng kaayusan. Nagugunita tuloy, ang krisis sa transportasyon o wala kaya? Trapik sa EDSA, malaahas na pila ng publikong nakaabang ng masasakyan at iba pa.
Pati rito sa Cebu, may Bokal ng lalawigan na nagdeklara rin ng kahalintulad na krisis. Kung tutuusin, ang malaking suliranin o krisis na bumabalot sa mga lungsod, ay hindi krisis sa transportasyon, bagkus krisis ng “espasyo”. Sumisikip na ang ating mga lungsod. Ito dahil sa taon-taong paglobo ng migrante mula probinsiya at nag-aalsa-balutan para humanap ng hanapbuhay sa mga sentro ng negosyo, puhunan, at ekonomiya. Ang turing sa Ingles nito “density levels.” Ang kakiputan at kasikipan ng pagkakakumpol ng populasyon sa bawa’t kilometro kwadrado ng lungsod. Ang trapik, kakulangan ng sasakyan at iba pa ay resulta lamang ng krisis sa “espasyo”. Hindi nanganganak ang lupain o lumalawak ang teritoryo ng bawat lungsod. Kahit ilang overpass, fly-over o ano pang uri ng daan ang ipatayo, malulunod ito sa dagsa ng migranteng sumusugal sa ilaw ng pag-asa. Buhayin ang “urban planning and sustainable development,” at “land use and zoning” sa buong Pilipinas.
-Erik Espina