IGINIIT ni Vice President Leni Robredo na dapat nang i-dismiss ng Supreme Court (SC) na umaaktong Presidential Electoral Tribunal (PET), ang protesta ni ex-Sen. Bongbong Marcos matapos mabigong magtamo o makakuha ng “substantial recovery” sa inisyal na bilangan para sa vice presidential race noong 2016.

Sinabi ni Romulo Macalintal, abogado ni VP Robredo, na sa tatlong pilot provinces na pinili ni Marcos-- Iloilo, Negros Oriental at Camarines Sur-- na kung saan nagkaroon umano ng dayaan ay hindi nagkamit si Bongbong ng sapat na boto at sa halip, lumaki pa ng 15,000 ang boto ni Robredo.

Ganito ang pahayag ni Macalintal na dating election lawyer: “We reiterate that, based on the facts and figures contained in the PET resolution, Marcos did not make any substantial recovery after the revision of ballots from the three provinces which he personnaly chose. On the contrary, it was Robredo who made overwhelming and substantial recovery which justifies the dismissal of Marcos election protests for its apparent and exposed lack of merit.”

oOo

Pumanaw na si dating Senate Pres. Aquilino “Nene” Pimentel Jr., matinding kalaban ng Marcos dictatorship, sa edad na 85 noong Linggo. Ayon sa kanyang anak na si Sen. Koko Pimentel, ang kanyang ama ay may lymphoma, isang uri ng cancer na kalat sa buong katawan.

Si Pimentel ay miyembro ng 1971 Constitutional Commission. Dalawang taon pagkatapos, siya ay ibinilanggo dahil sa pagiging kritiko ni ex-Pres. Ferdinand Marcos na nag-impose ng martial law. Muli siyang ikinulong dahil sa pagpoprotesta sa pagkatalo ng lahat ng kandidato ng PDP-Laban sa pangunguna ni ex-Sen.Ninoy Aquino sa Batasang Pambansa noong 1978.

Itinatag niya ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) noong 1982, na noong 1986 ay nakipagsanib sa Lakas ng Bayan na ipinundar ni Sen. Ninoy Aquino. Nahalal siyang senador noong 1987-1992. Muli siyang nahalal noong 1998-2010. Naging Senate President siya noong 2000-2001 at nag-preside sa impeachment trial ni ex-Pres. Joseph Estrada kasama si ex-Supreme Court Chief Justice Hilario Davide Jr.

Kabilang sa mga panukala na kanyang inakda ang Local Government Code, paglikha ng Philippine Sports Commission, paglikha ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Sa kanyang pagyao, unti-unting nawawalan ng tunay at magagaling na mga Senador ang bansa na kahanay nina Sens. Claro Recto, Jose P. Laurel, Lorenzo Tanada, Francisco “Soc” Rodrigo at iba pa. Ang Senado noong panahon nina Recto ay hindi Kapulungan ng mga payaso at sirkero bagamat nitong panahon ni Pimentel, may ilan din siyang nakasama.

oOo

Dadalo si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa koronasyon ng emperor ng Japan sa Oktubre 22. Marahil ay nakadalo na siya sa koronasyon ni Japanese Emperor Naruhito noong Oktubre 22 paglabas ng kolum na ito. Ito ang ikaapat na pagpunta ng ating Pangulo sa Japan.

Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, walang masyadong aktibidad si PRRD sa Japan maliban sa koronasyon ni Naruhito na naluklok sa trono noon pang Mayo. Dadalo lang siya sa dalawang banquet. Maliit na delegasyon ang isasama niya sa Japan kung ito ay matutuloy sapagkat as of press time, hindi pa nag-iisyu ng kumpirmasyon ang Palasyo kung siya nga ay tutuloy o hindi bagamat kinumpirma ni PCOO Sec. Martin Andanar na tuloy ang biyahe.

-Bert de Guzman