ANO ang tsansa sa kampanya sa Asean Basketball League ngayong season ang hihimaying isyu sa pagbisita ng San Miguel Beer-Alab Pilipinas basketball team, sa pangunguna coach Jimmy Alapag, sa “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ngayon sa National Press Club (NPC) sa Intramuros, Manila.
Bibigyan linaw ni Alapag, naging team captain ng Gilas Pilipinas at assistant coach ng San Miguel Beer sa PBA, ang magiging katayuan ng Pinoy squad sa pagbubukas ng 2019-20 season ng ABL simula sa Nov. 16.
Tinaguriang “Mighty Mouse” sa panahon niya sa PBA, ang 41-anyos ay naging head coach ng Alab nitong August 2017 at ginabayan ang koponan, na pinamumunun noon ni Rey Parks Jr., sa 2018 ABL championship matapos gapiin ang Mono Vampires of Thailand, 3-2, sa best-of-five series.
Inaasahang makakasama ni Alapag ang ilan sa kanyang mga players sa lingguhang sports forum ganap na 10:00 ng umaga sa pagtataguyod ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drinks, gayundin ang pinakabagong koponan sa CBA na Mabalacat Clark Global City Tribes.
Inaanyayahan ni TOPS president Ed Andaya ng People’s Tonight ang mga miyembro ang opisyal na makiisa sa programa na mapapanood din ng live sa Facebook via Glitter Livestream.