NAKATAKDANG sumabak ang Philippine National Shooting team para sa Asian Shooting Championships sa Nobyembre 2-11 sa Doha, Qatar upang makasungkit ng tiket para sa 2020 Tokyo Olympics.
Ang nasabing edisyon ng naturang kompetisyon ay opisyal na gagamitin bilang Olympic Qualifying para sa Asya alinsunod na din sa utos ng International Olympic Committee (IOC) para sa naturang Olimpiyada kung saan magkakaroon ng awtomatikong tiket ang unang tatlong top gunners para sa Tokyo sa susunod na taon.
Umaasa naman si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez na madaragdagan pa ang mga atletang mapapabilang sa pagsabak sa Tokyo Games.
“We now have two Olympians in Tokyo, but we need more. That is why the PSC is supportive of all these exposures and competitions so that our athletes get big chances at making it to the ultimate competition of their careers—the Olympics,” pahayag ni Ramirez.
Sa kasalukuyan, dalawang atleta pa lamang ang siguradong may tiket sa 2020 Olympics -- sina Carlos Yulo ng gymnastics at ang pole vaulter na si EJ Obiena.
Taong 2016 nang sumabak ang Shotgun shooter na si Hagen Topacio sa Men’s Individual Trap kung saan ito nagwagi ng silver medal sa Asian Shooting Championships na ginanap sa Kuwait.
Ang nasabing event ay kabilang sana sa qualifying para sa Rio Olympics, ngunit binawi ito kalaaunan.
Planong ulitin ni Topacio ang kanyang naging performance dalawang taon na ang nakalilipas upang makakuha ng tiket para sa Tokyo summer games katuwang ang iba pang miyembro ng men’s trap team na sina Eric Ang, Carlos Carag at Jethro Dionisio.
Sina Jeson Valdez at Amparo Acuna ang magiging pambato ng bansa para sa mixed rifle event na ilalaro sa unang pagkakataon sa quadrennial Games.
Ang iba pang shooters na sasabak sa Asian Championships ay sina Dennis Basila at Sean Ocampo sa rifle, Michael Angelo Fernandez, Marcelo Gonzales, Shanin Gonzalez at Juliet Arellano para sa pistol event.
Target din ng koponan ang makakuha ng ginto para sa shotgun trap event, Mixed Rifle event, Benchrest light Varmint, Heavy Varmint, Metallic silhouette pistol at rifle events.
-Annie Abad