IPINADI-DISMISS ng Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) ang pitong pulis, kabilang ang apat na “ninja cops,” dahil sa kontrobersiyal na drug raid sa Antipolo City noong Mayo,2019. Ang apat ay kasama sa 13 umano’y ninja cops na tauhan ni PNP Chief General Oscar Albayalde noong siya pa ang Pampanga PNP provincial director .
Ang inirekomendang tanggalin sa serbisyo ni PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo ay si Lt. Joven de Guzman at anim na tauhan niya na nagsagawa ng anti-drug operation sa Antipolo noong Mayo 4, 2019. Ang pinasisibak din sa police service ng IAS ay sina MSgt. Donald Roque, MSgt. Rommel Vital, Cpl. Romeo Guerrero, SSgt. Stephen Domingo at Patrolmen Lester Velasco at Eduardo Soriano.
Sa pito, sina De Guzman, Vital, Duque at Guerrero ay sangkot din sa buy-bust operations sa Mexico, Pampanga noong 2013 na nag-implicate kay PNP Chief Oscar Albayalde na noon ay provincial director. Sina Albayalde at 13 ninja cops ay nahaharap sa mga imbestigasyon ng senado at ng Department of Interior and Local Government (DILG) dahil umano sa pagre-recycle ng malaking bahagi ng 200 kilo ng shabu na kanilang nasamsam. Mahigpit na itinanggi ni Albayalde ang pagkakasangkot.
Batay sa resolusyon na pirmado ni Triambulo noong Oktubre 10 at inilabas lang kamakailan, napatunayan ng IAS na guilty ang police officers sa ilang bilang (counts) ng grave misconduct, less grave misconduct, neglect of duty at conduct unbecoming of a police officer sa panahon ng drug operation.
Sa IAS report, nakita nila ang ‘di-pagkakatugma sa anti-drug operation kaugnay ng nabawing ebidensiya at sa iprinisenta nila. Lumitaw na ang mga pulis ay nagpunta sa bahay ng complainant at kinuha umano ang P66,300 cash, na ayon sa IAS ay katumbas na rin ng pagnanakaw.
Ayon sa IAS, nakipagsabwatan si De Guzman sa masamang gawain ng kanyang mga tauhan na nagdudulot ng kahihiyan sa kampanya ng administrasyon laban sa illegal drugs. Una rito, nababahala si Triambulo, na baka may whitewash o takipan sa imbestigasyon ng 13 pulis na sangkot sa 2013 Pampanga drug sting. Nais din niyang ihiwalay ang IAS sa PNP.
Sinisikap ngayon ni PNP Officer-in-Charge Lt. Gen. Archie Gamboa na maibalik ang tiwala ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sa police force matapos ihayag ng Pangulo ang kanyang pagkadismaya o “utmost disappointment” sa mga kontrobersiya na kinasangkutan ng mga pinuno at tauhan nito.
Kinumpirma ni Gamboa na pinagalitan sila ni PRRD sa command conference noong Martes sa Malacañang. Dismayado raw ang Pangulo dahil ibinigay na niyang lahat ang biyaya (doble sahod) at benepisyo sa mga pulis, pero patuloy pa rin sa pagsasagawa ng katarantaduhan at kahihiyan.
Bahagyang nagalusan si Mano Digong noong Miyerkules ng gabi nang matumba siya o sumemplang sa sakay na motorsiko sa compound ng Presidential Security Group (PSG) sa Malacañang. Sinabi ni Sen. Bong Go, matapat na kaibigan at aide ng Pangulo, walang dapat ikabahala ang mga mamamayan sa kalagayan nito. Ang 74-anyos na Pangulo ay malakas at malusog.
-Bert de Guzman