TAPUSIN NAMIN ‘TO!

UMULA’T umaraw, walang hinto ang trabaho para maisaayos ang makasaysayang Rizal Memorial Sports Complex bago ang nakatakdang 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

MASINSINANG kinausap ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez kasama si Gymnastics president Cynthia Carrion sina (mula sa kaliwa) boxing world champion Nesthy Petencio, gymnastics world champion Carlos Yulo at Tokyo Olympic-bound pole vaulter EJ Obiena sa ginanap na media presentation kamakailan. RIO DELUVIO

MASINSINANG kinausap ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez kasama si Gymnastics president Cynthia Carrion sina (mula sa kaliwa) boxing world champion Nesthy Petencio, gymnastics world champion Carlos Yulo at Tokyo Olympic-bound pole vaulter EJ Obiena sa ginanap na media presentation kamakailan. RIO DELUVIO

Mismong si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang nagbigay ng kasiguraduhan na matatapos at magagamit ang pasilidad na pagmamay-ari ng pamahalaan bago magsimulang magdatingan ang mahigit 10,000 atleta at opisyal na makikibahagi sa biennial meet.

'Goodluck sa puksaan!' Jesus Falcis, sinagot kung kailan sasali sa 'bardagulan' mga Kakampink

"Matatapos ito. Walang problema at tuloy-tuloy ang gawa ng ating kontraktor,” pahayag ni Ramirez, tumatayo ring SEAG Chef de Mission ng Team Philippines, sa kanyang ulat sa mamamayan sa ginanap na PSA Forum kahapon sa Amelie Hotel sa Ermita, Manila.

Isinantabi ni Ramirez ang pangamba ng ilang opisyal ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) na kakapusin ang panahon sa pagsasaayos ng RMSC, gayundin ng Ninoy Aquino Stadium (NAS) sa Manila at Philsports Arena sa Pasig.

Nauna nang naipahayag ni PHISGOC Executive Director Tom Carrasco na nakikipag-ugnayan na rin sila sa ilang pribadong sports facility center bilang alternatibong venue na magagamit sa SEA Games.

Nakatakdang isagawa sa Rizal Coliseum ang gymnastics, inaasahang dudumugin ng sambayanan matapos ang makasaysayang panalo ni Carlos Yulo sa floor exercise event ng World Artistics Gymnastics sa Germany.

Isasagawa naman sa NAS ang taekwondo at weightlifting – dalawang sports na inaasahang magbibigay ng malaking ambag sa target na overall championship ng Team Philippines – habang isasagawa sa Philsports ang volleyball.

Iginiit ni Ramirez na sinigurado ng mga kontraktor sa kanilang pagpupulong kamakailan na matatapos at maihahanda ang pasilidad dalawang linggo bago ang pagsisimula ng pinakamalaking sports event sa rehiyon.

"I have been assured that it will be completed between Nov. 15-20,” pahayag ni Ramirez.

Sinabi ni Ramirez na maging ang Pangulong Duterte sa kanilang pakikipagpulong nitong Biyernes bago ang pag-alis patungong Japan, ay nagbigay ng kautusan sa PSC na gawin ang lahat para matapos ang rehabilitasyon sa mga venues. Naglaan ang PAGCOR ng P842 milyon para maisaayos ang mga naturang pasilidad.

Sentro ng kompetisyon ang New Clark City sa Tarlac na itinayo sa pangangasiwa ng Bases Conversation Development Authority (BCDA) kung saan isasagawa ang athletics at swimming competition, gayundin ang closing ceremony.

Paparada naman ang mga atleta at opisyal mula sa 11-bansang kalahok sa opening ceremony sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan. Annie Abad