Pitumpu’tlimangtaon na ang nakalilipas—noong Oktubre 20, 1944 – nang lumapag sa baybayin ng Palo, Leyte ang puwersa ng mga Amerikano at Pilipino sa pangunguna ni Gen. Douglas MacArthur, na naghudyat sa paglaya ng Pilipinas. Taong 1942 nang sakupin ng Japan ang Pilipinas, na nagtagal ng tatlong taon, habang kinontrol nito ang rutang dagat sa Borneo at Sumatra kung saan dinadala ng Japan ang kailangan nitong petrolyo para sa digmaan.
Sa paglapag sa baybayin ng Red Beach sa Palo, Leyte, kasamang dumating ni General MacArthur ang Pangulo noon ng Pilipinas na si Sergio Osmeña at si Hen. Carlos P. Romulo. Nang araw na iyon, inihayag niya ang pagsisimula ng kalayaang ipinangako niya nang kinailangan niyang umalis patungo sa Australia noong 1942 at sabihing, “I shall return.”Ngayon, inihayag niyang, “People of the Philippines, I have returned. By the grace of Almighty God, our forces are again on Philippine soil.”
Matapos ang halos tatlong buwan, noong Enero 9, 1943, dumaong ang American liberation forces sa Golpo ng Pangasinan kasama ang mga tropa mula British, Australian, Canadian, at New Zealand at sinamahan ang puwersa ng mga Pilipinong guerilla habang sinimulan nila ang pagpapalaya sa Luzon.
Muling ginunita ang makasaysayang paglapag na ito sa Leyte, nitong Linggo, Oktubre 20, 2019, kung saan inihayag ni United States Charge d’Affairs John Law na nananatiling malakas hanggang sa ngayon ang alyansa ng US-Pilipinas, sa nagpapatuloy na joint military exercises laban sa mga bagong kaaway, at paghihimagsik na nagbibigay-banta sa pamumuhy na demokratikong paraan sa Mindanao.
Binasa ni National Security Adviser Hermogenes Esperon ang mensahe ni Pangulong Duterte, kung saan inilarawan niya ang Leyte Landing noong 1944 hindi lamang bilang isang tagumpay ng militar, ngunit bagay na nagpatibay sa ugnayan ng Pilipinas at Amerika at “reclaimed the freedom that became the cornerstone of the democratic way of life that we all enjoy today.”
Gayunman, dapat ding mabatid, na bagamat ipinagdiriwang natin ang tagumpay na ito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang dating kaaway—ang Japan—ay mahigpit ngayong kaibigan at kaalyado para sa atin at sa Amerika, ang ating pinakamalakas at mahigpit na kaalyado laban sa anumang banta sa kapayapaan sa bahaging ito ng daigdig. Ngayong araw, dumadalo rin ang Pangulo sa pagluluklok sa trono ng bagong Emperador Naruhito ng Japan, ang apo ng World War II Emperor Hirohito.
Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay isang mahalagang bahagi ng ating kasaysayan bilang isang nasyon, kapwa sa pagkatalo, sa Bataan, at ang pagwawagi, sa Leyte at Lingayen. Ngunit minamarkahan natin ang anibersaryong ito, hindi bilang isang pagdiriwang ngunit isang paggunita sa kaganapan na hindi natin dapat makalimutan. Dahil bahagi ito ng ating kasaysayan, pare ng kuwento ng kabayanihan na ipinamalas ng ating mga mandirigma na nag-alay ng kanilang buhay para sa bansa at sa kalayaan, at bilang bahagi ng kasaysayan na ngayo’y nagpapahalaga sa kapayapaan bilang lagi’t laging mainam na paraan sa pag-unlad at pagsulong ng bansa at ng daigdig.