DISMAYADONG-DISMAYADO raw si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa Philippine National Police (PNP) dahil umano sa pagkakasangkot ng mga opisyal at tauhan nito sa illegal drugs na labis na kinamumuhian ng Pangulo. Sila ang kung tagurian ay “ninja cops” o mga tarantadong pulis na nagsasagawa ng buy-bust operations, hindi idinedeklara ang buong nasamsam na droga kundi nire-recycle at ibinebentang muli para pagkakuwartahan.
Ayon sa mga report, pinagalitan ni Mano Digong ang PNP officials sa isang closed-door command conference noong Martes nang gabi bunsod ng kontrobersiya sa pagkakasangkot ng mga pinuno at tauhan sa iligal na droga.
Galit at dismayado ang ating Pangulo sa PNP. May katwiran siyang magalit sapagkat dinoble na niya ang sahod ng 190,000 police force ng PNP, pero hanggang ngayon ay gumagawa pa rin ng mga kalokohan. Ayon nga sa mga kritiko ni PRRD, labis ang pagbebeybi sa mga pulis at sundalo gayong may iba ring sektor ng burukrasya ang dapat pagtuunan ng pansin at ayuda, tulad ng mga guro na maliit ang suweldo at hirap na hirap sa buhay.
Sabi nga ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo, labis ang pagpapalayaw ni PDu30 sa mga pulis at sundalo dahil sila lamang ang puwedeng maglunsad ng kudeta sa Punong Ehekutibo. Ang tugon ko naman ay hindi siguro dahil ang mga pulis at kawal ang laging nakalantad sa panganib ang buhay, lalo na sa karahasan, terorismo, at sagupaan.
Habang sinusulat ko ito, wala pang hinihirang si PRRD na bagong Hepe ng PNP. O baka naman paglabas ng kolum na ito ay meron na. Sana ay magkaroon ang PNP na isang tunay at dedikadong lider na hindi masasangkot sa re-cycling ng illegal drugs.
oOo
Si Sen. Cynthia Villar, ginang ni ex-Senate Pres. Manny Villar na ayon sa FORBES ay pinakamayaman sa Pilipinas, ay nanatiling pinakamayaman pa rin sa hanay ng mga Senador. Pumangalawa sa kanya si boxing icon Sen. Manny Pacquiao at pangatlo ang ginoo ni Rep. Vilma Santos, si Senate President Protempore Ralph Recto. Ang pinaka-pobre ay si Sen. Leila de Lima na nakakulong ngayon sa Camp Crame.Batay sa Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) na ni-release ng Senado, si Sen. Cynthia ay may networth na P3,354,412,297 hanggang nitong Hunyo 2019. Si Pacquiao ay may networth na P3,005, 808,000 hanggang nitong Disyembre 31,2018. Si Recto ay may P555,324,479.82.
Ang ikaapat na pinakamayamang senador ay si Senate Majority Leader Migs Zubiri na may P182,851,570.34 at ikalima si Sen. Bong Revilla na na-acquit sa kasong plunder, na may P164,203,739.38. Kelan naman kaya magpapalabas ang House of Representatives (HOR) ng SALN ng mga kongresista? Sino ang pinakamayaman at sino ang pinaka-pobre?
Kung paniniwalaan ang survey ng Social Weather Stations (SWS), nag-improve ang net satisfaction rating ni Vice Pres. Leni Robredo nitong ikatlong quarter ng 2019. Siya ay nagtamo ng satisfaction rating na +33 nitong Setyembre na ang 55 porsiyento ng adult respondents ay nagpahayag ng kasiyahan sa kanyang performance at 23% naman ang ayaw. Manatili kaya siya sa puwesto sa harap ng protesta ni ex-Sen. Bongbong Marcos?
-Bert de Guzman