“PUMUNTA ka roon, malaya kang patayin silang lahat. Simulan mo nang patayin sila. Tayong dalawa ang makukulong,” wika ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati nitong nakaraang Huwebes sa pulong ng mga diplomats at business executive sa Manila Hotel. Kaugnay ito sa kanyang pagkakatalaga kay Police Lt. Col. Jovie Espenido bilang deputy chief of police ng Bacolod City kung saan, ayon sa kanya, ay grabe ang problema ng ilegal na droga.
Si Espenido ay siyang hepe ng pulisya ng Albuera, Leyte nang alkade si Rolando Espinosa, Sr. Si Espinosa, na nakapiit noon sanhi ng pagkakasangkot niya sa ilegal na droga, ay napatay mismo sa loob ng piitan na noon, ayon sa pulis, ay sisilbihan ng search warrant. Nang ilipat siya sa Osamiz City, nagsagawa siya ng mga sunod-sunod na raid na nagresulta sa pagkamatay ni Mayor Reynaldo Parojinog at 14 pa na mga nauugnay sa negosyo ng droga. Nanggaling siya sa Iloilo nang hirangin siya ng Pangulo, sa Bacolod City.
Sa kanyang talumpati winika rin niya ang ganito: “Kayong ninja cops, holdaper at drug pusher, akala ninyo kayo lang ang matigas dito dahil iniisip ninyo na may monopolyo kayo sa kasamaan sa bansa. Kalokohan ang ganitong kaisipan dahil ako rin ay masama, at higit pa sa inyo. Pero, kapag nagpakatino ako, matino ako, gaya ngayon.”
Ayan na naman ang Pangulo na nag-uutos pumatay. Ang kautusan ay walang kuwalipikasyon o kondisyon. Ganito rin ang sinabi niya noon nang nagsisimulang pairalin ang kanyang war on drugs, pero marami na ang napapatay. “Kapag nakapatay kayo,” wika niya sa mga pulis “sagot ko kayo.” Nang lumala na ang patayan at pati mga inosenteng bata ay naging biktima, kumambiyo ang Pangulo. Upang mabigyan ng legal na katwiran ang sinabi niya noon hinggil sa pag-ako niya sa responsibilidad ng mga pulis na nakapapatay, nilagyan na niya ito ng kondisyon. Kapag pumatay, aniya, ang mga pulis sa pagtupad nila ng kanilang tungkulin dahil nalagay sa panganib ang kanilang buhay, karapatan nila ito. Napilitan lumabas si Pangulong Duterte at publikong sabihin ito, dahil ang galit ng mga mamamayan, lalo na iyong mga kamag-anak ng mga nabiktimang sibilyan, ay ibinunton sa kanya.
Ngayon naman, inulit niya ang kanyang kautusang pumatay. At ang kanyang inutusan ay may rekord na marunong sumunod. Paano kung tuparin niya ito na malamang gawin niya, dahil nagmula ito mismo sa kanyang bibig? Nasubok na naman ang Pangulo nang ibaba sa homicide ang kasong murder na isinampa laban sa mga pulis, sa pamumuno ni Major Marcos, na nagsagawa ng operasyong nagbunga ng pagkakapatay kay Alburque Mayor Espinosa, Sr. May batayan ang pagkabahala ng mga human rights advocates sa bagong tungkuling ito ni Espenido. Magreresulta ito, anila, sa pagdami sa mga extra-judicial killing ng mga pinagsususpetsahang sangkot sa droga.
-Ric Valmonte