WALA pa sa itinuturing na siyento porsiyento ang kundisyon ni CJ Cansino ngunit hindi ito hadlang upang pamunuan nya ang University of Santo Tomas para makabalik sa playoffs ng UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament.
Mula sa mabagal na panimula, unti-unting umaangat ang laro ni Cansino habang patuloy na nagri-recover sa natamong ACL injury noong isang taon at muling magningning bilang isa sa mga pangunahing manlalaro ng liga.
Ganito rin ang determinasyon ni Mar Prado para naman sa Adamson sa women’s division.
Sa isang krusyal na laban, pinatatag ng Lady Falcons ang kapit nila sa third spot sa pamumuno ni Prado na nagtala ng career-best 40 puntos bukod pa sa 8 rebounds, 6 assists, 4 steals at isang block.
“’Di siya nagbwakaw para makuha yung 40 points niya,” ani Lady Falcons coach Ewon Arayi matapos nilang gapiin ang UP. “Dinala pa rin niya yung team.”
Walang duda, kapwa ipinakita nina Cansino at Prado na gusto nilang tulungan ang kanilang koponan na umabot hanggang susunod na round.
Kaya naman kapwa sila napili upang maging co-awardees bilang Chooks-to-Go Collegiate Press Corps UAAP Players of the Week.
Ang Lady Falcons’ top gun ang ikatlong women cager na tumanggap ng nasabimg rekognisyon kasunod nina Ria Nabalan ng National University at Pat Pesquera ng University of the Philippines.
Para naman kay Cansino, ito ang ikatlong pagkakataon na tumanggap sya ng weekly citation kasunod ng dalawang beses nya noong kanyang rookie season.
Sa nakaraang back-to-back wins ng Tigers noong nakaraang linggo, nagtala si Cansino ng average na 13.5 puntos, 3.5 rebounds, 3.0 assists, at 2.0 steals.
“Naging learning process sa akin yun na wag mag-stop kahit feeling mong kumportable ka na,” ayon sa 19-anyos na Tigers skipper.”Make yourself feel uncomfortable every time para mag-work hard ka palagi.”
Sina Cansino at Prado ang ikatlong co-Players of the Week sa collegiate ranks kasunod nina Nabalan at Ateneo center Ange Kouame sa UAAP at sina dating San Beda star Robert Bolick at Letran cager Bong Quinto sa NCAA.
Tinalo nila para sa parangal sina L-Jay Gonzales ng FEU, Jun Manzo ng UP, at Isaac Go ng Ateneo.
-Marivic Awitan