KUMPIYANSA si Philippine Amateur Baseball Association (PABA) President Chito Loyzaga na makapagbibigay ng karangalan ang baseball sa pagbabalik nito sa sports calendar sa 30th edition ng Southeast Asian Games sa Manila sa Nobyembre.

MASAYANG sinalubong ng kanyang mga kasangga si Erwin Bosito (#16) matapos ang nagawang ‘super catch’ sa center field sa duwelo ng Team Philippines laban sa Sri Lanka sa BFA Asian Championship sa Taichung Stadium sa Taiwan .

MASAYANG sinalubong ng kanyang mga kasangga si Erwin Bosito (#16) matapos ang nagawang ‘super catch’ sa center field sa duwelo ng Team Philippines laban sa Sri Lanka sa BFA Asian Championship sa Taichung Stadium sa Taiwan .

Bitbit ang kanilang bagong bihis na line-up sa pamamagitan ng  mga batang talento buhat sa  collegiate ranks, kasama ang bagong liderato at ang buong suporta buhat sa  Philippine Sports Commission (PSC), naniniwala si Loyzaga, dating ring Commissioner ng sports agency na angkin ng Pinoy batters ang kakayahang manaig sa laban.

“Our biggest competitor in baseball are Indonesia and Thailand because may mga programa rin sila sa mga lower age levels. But I will bet my name, siguradong may paglalagyan tayo,” pahayag ni  Loyzaga.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Ibinatay ni Loyzaga, kabilang sa PBA legend, ang pahayag sa impresibong kampanya ng koponan sa international meet, kabilang ang kasalukuyang BFA Asian Championship sa Taiwan.

Hindi nakalusot sa podium ang Pinoy batters, ngunit impresibo ang naging laro ng Pinoy laban sa China (1-0) at sa relegation phase.

Dahil dito, pinagkalooban ng individual awards sina Erwin Bosito  (most stolen bases), Diego Lozano (Best First Base) at Jennald Pareja (Best Second Base).

Si Bosito ay mula sa Los Baños, at bahagi ng programa  ng pamosong coach na si Ely Baradas sa Adamson University. Nagsimula si Lozano sa  ILLAM bago naglaro sa De La Salle University, habang si Pareja ay mula sa Makati at naglaro sa ILLAM at Adamson.

Sa nakalipas na tatlong edisyon ng SEA Games, hindi nakalahok ang Philippine Baseball team, kaya naman sa kanilang muling pagsabak ay puspusan ang paghahandang isinasagawa ng buong koponan para rito.

“We are on schedule. When the men’s team comes back (from Taiwan), I think we’ll have a few practices here and siguro mga two weeks before sometime in the middle of November, doon na sila mag-eensayo sa Clark para masanay na sila sa venue, sa talbog ng bola, sa lahat,"kuwento pa ni Loyzaga.

Ginulat ng koponan ang China sa nasabing Asian tournament noong Miyerkules sa kanilang 1-0 panalo, ngunit bigo naman ang koponan sa kanilang pagharap kontra South Korea, 2-12.

Gayunman, alam ni  Loyzaga, na kayang makalusot ng koponan sa mga malalaking liga, saan mang bansa sa buong rehiyon, lalo na ang SEA Games.

“This is really part of their training program that they underwent in preparation for the SEAG. Doon sa Men’s Championship, nandoon 'yung mga big countries, among them are Japan, Korea, and Chin. That was the game plan, to win over China,” ani  Loyzaga. “Unfortunately lang, hindi tumugma dahil hindi naman under our control na natalo ng China ang Korea. Kahit ano pa man, sabi ko sa kanila na we will stick to our game plan and I’m happy for all of you for achieving something and we did what we have to do and we were also able to show to everyone that we are here to compete," aniya.

Lubos naman ang pasasalamat ni Loyzaga sa PSC para sa suportang ipinagkakaloob nito sa nasabing national sports association (NSA), na isa sa mga dahilan kung bakit kumpiyansa at mataas ang morale ng buong koponan kapwa ang men's at women's team.

“I want to take this opportunity to thank the Philippine Sports Commission for all the support they have given to us, not only sa national team. As of now, we have established the first-ever Philippine women’s baseball team and they will compete next month in China, representing the country,” aniya.

Ayon naman kay Ramirez, tungkulin ng PSC na suportahan ang mga proyektong pang sports, lalo ang mga atleta at koponan na hindi malayong makapagbigay ng karangalan para sa bansa.

“It’s in our mandate to support sports projects, as many as our funds can allow.  And baseball, which had produced great Filipino athletes in the past, is among the sports where we are hoping to see a revival," ayon kay Ramirez. Annie Abad