NASA 28 lokal na pamahalaan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pumasok sa listahan ng mga nakapasa sa 2019 Seal of Good Local Governance (SGLG) Award ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ang bilang ng mga SGLG passers ngayong taon para sa rehiyon ay mas mataas ng lima kumpara sa SGLG program passers noong nakaraang taon na may 23.

“We congratulate the 28 LGUs in the region,” ani Minister Naguib Sinarimbo ng Ministry of the Interior and Local Government ng BARMM.

Inilarawan niya ang tagumpay na ito bilang isang pagsulong na nakaangkla sa panawagan ni BARMM Chief Minister Ahod “Murad” Ebrahim para sa moral na pamamahala, gayundin sa rehiyonal na pamahalaan at mga LGU upang lumikha ng isang “synergy” na magpapabilis sa pag-unlad ng rehiyon.

“We will push further, and in the years to come, we hope to demonstrate greater improvement in the governance of the whole region,” pahayag ni Sinarimbo, habang kinilala rin niya ang naging kontribusyon ng dating Autonomous Region in Muslim Mindanao sa paglikha ng pundasyon para sa outstanding performance ng mga lokal na pamahalaan.

Sa SGLG province category, pumasok ang Basilan at Maguindanao sa listahan ng mga nakapasa. Habang sa city category, nakapasok din ang Lamitan.

Kabilang naman sa mga munisipalidad na pumasok sa listahan ang Maluso at Sumisip sa Basilan; Balabagan, Buadiposo Buntong, Calanugas, Kapatagan, Piagapo, at Taraka sa Lanao del Sur; Barira, Buldon, Datu Abdullah Sangki, Datu Paglas, Datu Piang, Guindulungan, Kabuntalan, Matanog, Paglat, Shariff Aguak, South Upi, Sultan Kudarat, Sultan sa Barongis, at Upi sa Maguindanao; Talipao sa Sulu; at Sibutu at Simunul sa Tawi-Tawi.

Ang SGLG ay isang parangal, insentibo, pagbibigay-pugay at pagkilala—na programa para sa lahat ng LGUs.

Nakatutulong naman umano ang programa sa mga LGU upang patuloy na umunlad at mapanda ang operasyon sa iba’t ibang bahagi ng pamamahala sa financial administration; disaster preparedness; social protection; peace and order; business-friendliness and competitiveness; environmental protection; at tourism culture and the arts.

PNA