HINILA ng National University-Nazareth School ang winning run sa siyam na laro, habang nakopo ng University of Santo Tomas ang No.2 spot sa Final Four ng UAAP Season 82 Girls’ Volleyball tournament nitong Miyerkoles sa Paco Arena.

Pinatalsik ng Lady Bullpups ang University of the Philippines Integrated School, 25-19, 25-11, 25-10, habang nanaig ang Junior Tigresses sa University of the East, 25-21, 25-19, 25-18.

Kumabig si Alyssa Solomon ng 14 puntos, habang tumipa sina Mhicaela Belen at Evangeline Alinsug ng tig-12 puntos para masiguro ng NU ang twice-to-beat semis incentive.

Sa kabila ng panalo, may alalahanin sa damdamin ni Lady Bullpups coach Regine Diego.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

“Pangit laro namin ngayon. Masyado silang kampante, masyado silang kinakabahan magkamali. We need to practice more, hindi kami pwedeng relax, hindi kami pwedeng complacent,” pahayag ni Diego.

Umusad ang UST sa 8-2 karta.

Sa iba pang laro, tinuldukan ng De La Salle-Zobel ang three-game skid nang pabagsakin ang Far Eastern University-Diliman, 25-17, 25-23, 25-21.

Tangan ang 4-5 karta, may nalalabi pang pag-asa sa Junior Lady Spikers para makausad sa Final Four.

Nakuha ng Far Eastern University-Diliman ang Final Four slot sa boys division nang ungusan ang Adamson University, 25-21, 24-26, 25-21, 25-27, 15-9.