SA presscon ng pelikulang Hellcome ng Star Cinema ay sandaling naka-tsikahan namin ang manager ni Dennis Trillo na si Popoy Caritativo na masaya siya dahil may project ang alaga niya sa nasabing movie outfit.
“Ang saya nga, kasi first time ni Dennis dito sa Star Cinema, akala kasi nina sir Enrico Santos naka-exclusive contract si Dennis sa Regal kaya hindi nila kinukuha, sabi ko wala siyang contract, per project siya,” pahayag sa amin ng manager ng aktor.
Hindi ba’t nakagawa na si Dennis sa Star Cinema, “hindi pa, alin ba ‘yung with Maja (Salvador)? ‘Yung kasama si Sir Chief (Richard Yap), Star Cinema lang nag-distribute, pero Regal Films produced ‘yun,” pagko-korek sa amin ni Popoy.
Ang binabanggit naming pelikula ay ang You’re Still The One, 2015 na ginampanan ni Dennis ang isang piloto at hinahabol-habol naman siya ni Maja na siyang tatay daw ng anak niya, ito’y idinirek ni Chris Martinez at kasama rin si Ellen Adarna sa cast.
Kaya pala sa presscon proper ay binanggit ni Dennis na ang masaya siya na maka-trabaho ang tulad nina Beauty Gonzales, Raymond Bagatsing, Alyssa Muhlach kasi nga taga-GMA 7 siya.
“Masaya po ang laging magandang experience dahil ‘yun palang pong thought na makakapag-trabaho ulit ako kasama ang Star Cinema ay nakakasiguro na ako na quality ang proyektong gagawin ko at bukod do’n ay makaka-experience rin akong maka-trabaho ‘yung mga artistang hindi ko madalas makita kaya lagi po akong nae-excite tuwing mapapadpad ako rito at kasama ang Star Cinema,” pahayag ng aktor.
At dahil unang beses niyang maka-trabaho ang direktor nilang si Bobby Bonifacio, Jr. kaya natanong ang aktor.
“Opo, unang beses at hindi ako nagkaroon ng anumang problema dahil nu’ng una pong meeting namin at ikinukuwento na n’ya ‘yung takbo ng kuwento (pelikula), na-realize ko si direk na parang siya ‘yung direktor na napanood na niya ‘yung pelikula sa utak niya bago pa niya i-shoot sa video. Naging malinaw ‘yung patutunguhan ng bawa’t karakter namin at ‘yung deman na gusto niyang makuha sa bawa’t isa sa amin,”kuwento ni Dennis.
Samantala, ayaw magkuwento ng cast ng Hellcome na sina Beauty, Raymond, Alyssa, Teejay Marquez dahil malalaman daw agad ang istorya ng pelikula kaya panoorin na lang sa Oktubre 30 nationwide.
Going back sa manager ni Dennis ay nabanggit nito na magmi-meeting sila ng Star Cinema executives isa sa mga araw na ito para sa posibleng project ng alaga niya.
Kaya huwag ng magtaka kung pagkatapos ng Hellcome ay may kasunod uling pelikula si Dennis sa Star Cinema.
-REGGEE BONOAN