SINIMULANG isara ng United Nations nitong Lunes ang ilan sa mga operasyon nito sa punong tanggapan ng New York City at sa mga ahensiya ng UN sa iba’t ibang panig ng mundo. Bilang pagsisikap na matugunan ang krisis sa budget, ilang mga pagpupulong ang kinansela, ginawang limitado ang mga paglalakbay, naantala ang pagpapalabas at pag-iimprenta ng mga dokumento ng UN, habang binawasan din ang air-conditioning at heating.
Ang mga ito ay maliliit lamang na operasyon ng UN, ngunit sinabi ni Secretary General Antonio Guterres na ipatutupad ito hanggang sa muling abiso dahil “[UN has exhausted] all regular budget liquidity reserves” sa ikalawang sunod na taon. Ang mga bayad na natatanggap ngayong taon ay tanging 70 porsiyento lamang ng kabuuang halaga na nataya, kumpara sa 78% noong nakaraang taon. Katumbas ito sa dolyar ng $230 milyon.
May mahigit 30 kaugnay na ahensiya ang UN, kabilang ang UN Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO), ang UN Children’s Fund (UNICEF), ang International Monetary Fund (IMF), ang World Health Organization (WHO), at ang International Atomic Energy Agency (IAEA).
Noong 2016, may general budget ang UN na $5.7 bilyon, ngunit kinakailangan din nitong pondohan ang mga peacekeeping operations sa $9 bilyon. Pinopondohan ang kabuuang gastos ng UN ng mandatoryong bayarin mula sa193 miyembro ng UN. Estados Unidos ang pinakamalaking nag-aambag sa pondo, na nagbigay ng nasa $4 bilyon sa assessed payments noong 2016 at $6 bilyon para sa voluntary payments.
Sa mga dekadang nakalipas, matagal nang inaangal ng US ang malaking pinansiyal na ambag nito sa pagpapatakbo ng UN at sa ilalim nga ni President Donald Trump, sinasabing nagpatupad ito ng pagtapyas sa pondo bilang diplomatikong instrumento para sa polisiya ng US. Nitong nakaraang buwan, inanunsiyo ng US na babawasan nito ang pondo para sa programa ng UN na umaayuda sa mga Palestinian refugee.
Ngayong taon, sinabi ni UN Management Chief Catherine Pollard sa UN General Assembly’s Budget Committee na 63 bansa ang nahuhuli ng $1.386 bilyon sa bayarin nito para sa 2019 operating budget ng UN. Ang US ang may gampanin para sa $1.055 bilyon – bukod pa sa $3.7 bilyon na kailangan nitong bayaran sa hiwalay na budget para sa 14 peacekeeping operations.
Ang naging hakbang ng UN na ihinto ang ilang mga aktibidad ay nakaaapekto lamang sa maliliit na operasyon ng organisasyon, ngunit maaari itong paglalarawan sa mga maaaring mangyari sa hinaharap. Umaasa tayong hindi nito maaapektuhan ang mga kritikal na operasiyon ng UN, partikular ang gawain ng WHO, UNESCO, UNICEF, at ang maraming peacekeeping operation sa iba’t ibang panig ng mundo, kung saan matagal nang bahagi ang tropa ng Pilipinas.