NAKABAWI ang Go for Gold-Air Force mula sa mabagal na simula upang mapataob ang Sta. Elena-NU sa loob ng apat na sets, 18-25, 25-18, 25-15, 25-21, sa rubber match nitong Huwebes sa 2019 Spikers’ Turf Open Conference semifinals sa Paco Arena.

Nagposte si Ranran Abdilla ng 23 puntos na kinabibilangan ng 17 attacks, 5 service aces, at isang block bukod pa sa 22 excellent receptions upang maitakda ang laban nila ng Cignal sa Finals.

“First set kasi medyo stiff ang katawan ng mga players e, medyo pressured ‘di ko alam kung bakit e],” pahayag ni Air Force assistant coach Rhovyl Verayo. “Kami nga ‘yung mas may experience. So nung second set sabi ko loosen up, tapos magkarga kami ng service. Nag-blend naman ‘yung team, kaya nanalo.”

Matapos mapagpag ang opening set jitters, winalis ng Jet Spikers ang sumunod na tatlong sets upang magapi ang Ball Hammers.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Tila hihirit pa ng decider ang Sta. Elena matapos idikit ang iskor sa 21-22, buhat sa 12-16 na pagkakaiwan.

Ngunit bumalik sa Air Force ang momentum matapos ang service error ni Idin Daymil bago ganap na sinelyuhan nina Jessie Lopez at Abdilla ang tagumpay.

Nanguna si Edward Camposano para sa Sta. Elena sa iniskor nitong 17 puntos kasunod si Nico Almendras na may 16 puntos bukod pa sa 22 excellent receptions.

-Marivic Awitan