DAHIL sa ginawa nilang pamumuno sa kani-kanilang koponan sa krusyal na panalo sa ginaganap na PBA Governors Cup, napili sina Troy Rosario at Jeron Teng bilang PBA Press Corps-Cignal Co-Player of the Week.

Malaki ang naging papel ni Rosario sa nakaraang dalawang panalo ng TnT noong nakaraang Oktubre 7-13, habang matinding laro naman ang ipinakita ni Teng sa pagbabalik nito sa laro mula sa injury upang pamunuan ang Alaska sa unang panalo sa season-ending conference.

Nagtala ang 6-foot-7 na si Rosario ng average na 17.0 puntos sa back-to-back wins ng Katropa kontra NorthPort at Meralco.

Nagsilbi siyang bayani sa kanilang paggapi sa Batang Pier, 103-100, sa ipinukol nyang corner triple sa huling minuto na nagbalik ng kalamangan sa TnT tungo sa panalo na nagbigay sa kanila ng unang quarterfinals berth.

Pamilya, naglabas ng opisyal na pahayag sa pagpanaw ni Chino Trinidad

Halos hindi naman kinakitaan si Teng ng epekto ng kanyang naging hamstring injury na nag sideline sa kanya sa simula ng conference matapos magposte ng 18 puntos sa 78-71 panalo nila kontra Rain or Shine.

Tinalo nina Rosario at Teng para sa lingguhang citation ang mga kakamping sina Roger Pogoy at Jayson Castro, Columbian Dyip guard Rashawn McCarthy, at ang Barangay Ginebra duo nina Stanley Pringle at LA Tenorio.

-Marivic Awitan