WALA akong nakikita at nararamdaman na mabilisang solusyon sa dinaranas na pagsisikip ng daloy ng trapiko at kahirapan sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan sa buong Metro Manila, sa kabila ng mga propaganda ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan na malapit na itong malutas kapag natapos na ang mga proyektong pang-istraktura ng administrasyong ito.
Tanggap ko na ang mapait na katotohanang ito batay sa narinig kong pahayag ng ilang eksperto sa “traffic and transport situation” na nagpakadalubhasa sa pag-aaral sa ganitong klase ng problema.
Kasama sa nakausap ko hinggil sa problemang ito, ay ang resource speaker sa nakaraang news forum na Balitaan Sa Maynila, na lingguhang ginaganap sa Bean Belt Coffee sa Dapitan Street, Sampaloc, Manila, na sina Engineer Rene Santiago, transport expert na kilala maging sa ibang bansa, at ang walang kapagurang opisyal ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na si Col. Bong Nebrija, ang kasalukuyang EDSA traffic czar.
Dagdag pa natin dito ang personal kong karanasan – sa pamamagitan ng pagsakay sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila nang tumigil ako sa pagmamaneho –kaya umabot ako sa paniniwala na hindi uubra sa problemang ito ang anumang “band aid solution” na ipinangangalandakan ng mga awtoridad na naatasang lumutas dito.
Ayon kay Eng’r. Santiago, ang Metro Manila ay naging isa sa “most congested city” sa buong Asia, dahil sa mabilis ang pagdami ng mga nakarehistrong sasakyan na tumatakbo sa ating mga pangunahing kalsada. Wala kasing batas na naglilimita kung hanggang kailan lang p’wedeng gamitin ang mga naluma ng sasakyan, pribado man o gamit sa public transport.
Ang obserbasyon naman ni Col Nebrija ay nakasentro sa disiplina ng drayber ng mga sasakyan sa mga kalsada. Simpleng batas trapiko ay ‘di sinusunod at kailangan pang laging may nakabantay sa mga ito para sumunod sa batas trapiko!
Walang duda na nakatulong ang ginawang paggiba sa mga istraktura na ilegal na nakatayo sa mga kalsadang daanan ng mga sasakyan. Ngunit sa isang banda, naririyan pa rin ang problema dahil ang gamit ng mga tao ay ang personal nilang sasakyan, kaya masikip pa ring dumaan sa mga kalsada.
Ang epektibong solusyon -- isang reliable at kumportableng “public transport system.”
Nagawa na noon ‘yan, nang unang umarangkada ang LRT at MRT trains, paikut sa Metro Manila.
Ang MRT at LRT ay garantisado na epektibong transport system – basta ‘wag lang itong ipagkatiwalang muli sa grupo ng mga ganid na negosyante, na ang inatupag ay ang pagkakitaan lamang ng bilyones ang proyekto, kaya’t nagkaloko-loko ang operasyon nito!
Mantakin n’yo naman – yung 500,000 na pasahero na sumasakay sa 22 train ng MRT3 na bumibiyahe araw-araw sa kahabaan ng EDSA ay sobrang nagpaluwag sa daloy ng mga sasakyan sa makasaysayang highway.
Ang siste, nang makialam sa operasyon ang mga “genius” na opisyal ng pamahalaan – pinalitan ang ekspertong kumpaniya na humahawak sa “service & maintenance operations” ng mga train, ng kumpaniya na mga expert kuno at Pinoy raw -- ay nagkahetot-hetot na ang takbo ng MRT3.
Yun dating 500,000 pasahero daily ay bumaba sa250, 000 na lamang, dahil sa naging 10 train na lamang ang natitirang nagse-serbisyo sa mga tao. Sa sobrang galing yata nung ipinalit na service maintenance, halos maubos ang matitinong train ng MRT3!
Siyempre, yung 250,000 pasahero na hindi na ma-accommodate ng MRT3 napilitan na bumaba muli sa EDSA at doon naghanap ng masasakyan nila. Resulta – dumami ang mga kolorum at pribadong sasakyan sa kalsada, sa buong kahabaan ng EDSA. Ito ang umpisa ng naging problema!
Ang nakikita ko na dapat ding pagtuunan ng pansin ng ating pamahalaan, na magagamit na epektibong “public transport system” ay mga train ng Philippine National Railways (PNR) at ang Pasig River ferry boats.
Tatalakayin ko sa susunod na artikulo kung paano makatutulong ang PNR at Pasig River ferry boats sa problema natin sa trapiko at ano ang magiging sagabal sa pagpapatakbo ng mga ito. ABANGAN!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.