“ANG aksiyon ng korte ay bigyan ng kopya ang mga Partido at magbigay sila ng komento sa naging resulta ng revision at appreciation of ballots. Kaya, wala pang desisyon,” wika ni Supreme Court Public Information Chief Brian Hosaka. Ang tinutukoy niyang ipinabibigay ng Korte ay ang report hinggil sa naging bunga ng muling pagbibilang ng mga boto na isinumite ni Associate Justice Benjamin Coguiao. Ipinalabas ang report sa halip na idismis ang election protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo. Ito ang naging kapasiyahan ng Korte Suprema na umupo bilang Presidential Electoral Tribunal sa botong 11-2. Ang dalawang mahistrado na tumutol sa kapasiyahang ito ay sina Associate Justice Antonio Carpio at Benjamin Caguiao na bumoto para ibasura ang election protest.
Hindi naging katanggap-tanggap sa kampo ni VP Leni ang naging kapasiyahan ng Korte na mula nang matapos ang pagbibilang ng mga boto sa tatlong probinsya ng Iloilo, Negros Oriental at Camarines Sur ay inaasahan na nilang maibabasura ang election protest ni dating Senador Marcos. Kasi naman, ayon kay VP Leni, batay sa kanilang record sa pagsubaybay nila ng bilangan, eh nadagdagan pa ng 15,000 ang lamang niya sa dating Senador. Sa nakaraan halalan para sa pangalawang pangulo, lumamang si Robredo kay Marcos sa botong 263,473. Ang patakaran ng PET ay kung nabigo si Marcos na ipakita na iba ang resulta ng recount sa official results at dito ay lumamang siya, sa tatlong pilot provinces na pinili niya, dapat ay idismis ng Korte ang petisyon. Pero, kung napatunayan ni Marcos ang kanyang alegasyon ng malawakang irregularidad sa test recount, maaaring iutos ng Korte ang patuloy ng pagbilang sa 21 probinsya, limang siyudad at isang distrito ng Northern Samar na pinoprotesta rin ni Marcos.
Tulad nga ng nangyari, dalawa lang sa mga mahistrado ang bumoto na ibasura ang protesta. Kaya, ang order ng Supreme Court ay pinagkokomento ang magkabilang panig sa naging bunga ng resulta ng pagbibilang sa loob ng 20 araw. Pinagkokomento rin ang mga ito sa loob ng 20 araw sa petisyon ni Marcos na balewalain ang vice-presidential election results sa Lanao del Sur, Basilan at Manguindanao dahil sa mga irregularidad. Pinareresponde rin sila sa iba’t ibang issue kaugnay sa hurisdiksyon.
Ang prosesong sinunod ngayon ng Korte Suprema ay hindi maganda para sa taumbayan. Mahigit na tatlong taon na ang nakalipas mula nang maghalalan, pero hanggang ngayon ay isyu pa rin kung sino ang kanilang ibinoto sa pagkapangalawang pangulo. Para sa makwarta at mahaba ang pisi ang matagal na labanan sanhi ng prosesong ito. Sa halip na manguna at magbigay ng ehemplo ang Korte sa paghihilom ng sugat na laging iniiwan ng halalan, pinasasariwa at pinalalala pa ito. Tingnan ninyo ang nangyari noong Martes sa harap ng Korte Suprema. Dalawang malaking magkakatunggaling grupo ang sumulpot dito, ang grupo ni Robredo at Marcos. Patuloy ito hanggang nananatiling nakabimbin ang protesta ni Marcos. Hindi ito nakabubuti sa kinakailangang pagkakaisa ng sambayanan. Kung walang anomalyang nakita sa tatlong probinsya na pinili ni Marcos na dito gawin ang pilot recount bakit hindi na idismis ang kanyang protesta? Bakit hindi ito gawin ng Korte sapag sunod sa kanyang sariling patakaran bilang Presidential Electoral Tribunal nang sagayon ay matuldukan na ang hidwaan. Pinasasama lang ng Korte Suprema ang kanyang imahe.
-Ric Valmonte