SA gabi ng Setyembre 24, isinara ang outermost northbound lane ng Southern Luzon Expressway (SLEX) upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng P10-bilyon na apat na kilometrong extension ng Skyway mula sa Barangay Cupang hanggang sa Bgy. Putatan sa Muntinlupa City. Hindi nakapaghanda ang mga motorista at pagsapit ng Setyembre 26, nagkaroon ng malaking traffic jam. Inasahang magpapatuloy ito hanggang sa makumpleto ang konstruksiyon ng Skyway extension sa Disyembre, 2020.
Sa panahon ng konstruskiyon, ang SLEX ay hindi na magiging “expressway” para sa paggamit ng mga motorista na nagbabayad ng toll. Kayat hiniling ni Secretary Arthur Tugade ng Department of Transportation (DOTr), co-chairman ng Toll Regulatory Board, sa board na silipin ang posibilidad na bawasan ang toll sa panahong ito.
Sa Senado, isinuhestyon nina Senador Grace Poe at Sen. Sherwin Gatchalian ang ganitong hakbang. Sa House of Representatives, naghain si Laguna Rep. Sol Aragones ng resolusyon na hinihimok ang SMC Tollways na suspendihin ang pangongolekta ng toll o ibaba ito sa loob ng anim na buwan.
Ang SLEX gridlock ay isa lamang sa latest development sa kabuuang problema sa trapiko sa Metro Manila at sa iba pang malalaking sentro ng populasyon sa bansa. Habang nangyayari ito, halos lahat ng atensiyon ay nakatuon sa Epifanio de los Santos Ave. (EDSA), ang arterial road ng Metro Manila, ngunit ang grabeng trapik sa katunayan ay ramdam sa buong bansa.
Napakaraming public works projects ang isinasagawa upang magkaroon ng mga bagong ruta para sa daan-daang libong sasakyan na idinadagdag taun-taon. Sa huling nalalabing tatlong taon ng administrasyong Duterte, inilarga ni Secretary Tugade ang napakaraming proyektong ito sa buong bansa, kabilang na ang Metro Manila Subway, Metro Rail Transit-7, Light Rail Transit Line 1, at Cavite LRT Extension.
Sa iba pang lugar sa bansa, nagpapatuloy na rin ang konstruksiyon ng mga proyekto kabilang ang LRT 2 East Extension, Philippine National Railways Clark Phase 1, iba pang PNR projects sa Laguna at Bicol, LRT 2 West Extension, Subic-Clark Railway, at Mindanao Railway. Nakumpleto na ang DOTr ang 64 na paliparan sa buong bansa, at 133 pa ang itinatayo, kasabay ng 22 commercial at tourism projects at 122 pa ang ginagawa. Ang lahat ng ito ay bahagi ng catch-up plan para matugunan ang 20-taon infrastructure backlog, sinabi ni Secretary Tugade.
Ang patuloy na traffic gridlock sa EDSA at iba pang bahagi ng Metro Manila at ngayon ay traffic jam sa SLEX ay tunay ngang nagmumukhang krisis para sa ilan, ngunit ang mga proyektong ito ay tinatapos para masolusyunan ang matinding trapik, sinabi ni Secretary Tugade, kabilang na ang SLEX skyway extension sa Muntinlupa.