PINANOOD namin sa isang special screening ang Kargo, original series na produced ng Star Creatives na nagsimula nang ipalabas sa iWant nitong October 11.

Jillian, Rio at Marcus

Sa bigat ng napapanahong storyline, hindi mo aakalaing gawa ito ng production unit ng ABS-CBN na pawang romantic comedy at wholesome drama ang ginagawang serye sa mainstream channel ng network.

Makatotohanan ang depiction ng Kargo sa underworld na malagim ang babala sa nagbabalak pa lang sumali sa illegal drug world.

Teleserye

Karina Bautista, kinatatakutan na dahil sa 'Maguad siblings'

Hindi para sa mga manonood na mas komportable sa wholesome series ang Kargo, lalo na kung hindi sila sanay sa murahan at violent scenes.

Bida si Rio Locsin bilang si Lola Tere na kabaligtaran sa karaniwang ginagampanan ang role dito. Taxi driver siya na humahawak ng baril, nagmumura, at nakikipaggitgitan sa kahabulang sasakyan ng gang. Gumaganap namang pasaway na apo ni Rio si Gillian Vicencio bilang si Hannah. Naglayas si Hannah nang mahuli ng lola na ginagamit sa pot session ng barkada ang bahay nila. Susubaybayan ng serye ang paghahanap ni Lola Tere kay Hannah. Mapapadpad siya sa tenement na pugad ng prostitution at drug addicts.

Matatagpuan ni Lola Tere si Hannah na nagbabalak idispatsa ang isang babaeng patay sa isang apartment. Ang babae ay ex-girlfriend ni Hannah, anak ng pinuno ng sindikato, at napatay niya nang hindi sinasadya dahil sinasaktan siya.

Nanggagalaiti man sa galit, dala ng malasakit sa apo ay tutulungan ni Lola Tere ang apo. Umaatikabong habulan ang mangyayari dahil may perang hinihintay ang gang kay Hannah mula sa naibentang drugs.

Damay sa habulan ng buhay ang boyfriend ni Hannah na si Reyven (Markus Patterson) at gagawin ni Lola Tere ang lahat para mailigtas ang dalawa.

Madalas mang mapamura sa sinusuong na mga panganib ng apo, laging mananaig ang pagmamahal ni Lola Tere kay Hannah.

Nakakadalawang episode pa lang kami, pero highly recommended namin ang Kargo sa lahat ng mga viewers.

Magsisilbi itong babala sa pakikisali sa mundo ng mga taong halang ang kaluluwa.

“It has dark humor and we wanted it to be real,” wika ng direktor ng Kargo na si Julius Alfonso nang makaharap ng reporters sa special screening ng series. “Our intention was for the viewers to even smell the stench of the tenement that serves as the location of the series. Sabi ko nga, dapat amoy na amoy ang baho ng mga character.”

-DINDO M. BALARES