KAHIYA-HIYANG mabatid na ang taong kumakatawan sa pulisya at namumuno sa kampanya laban sa ilegal na droga, tulad ng nalantad sa pagdinig ng Senado, ay nagsilbi umanong tagapamagitan para sa ‘ninja cops’ sa isang kaso ng ilegal na droga noong 2013. Isa itong kagimbal-gimbal na isyu na kumuwestiyon sa integridad ni Philippine National Police chief Gen. Oscar D. Albayalde.
Nangyari ang paglubog ni Gen. Albayalde, isang buwan bago ang nakatakda niyang pagreretiro. Pumutok ang kontrobersiya sa panahong maayos ang takbo ng mga bagay-bagay sa PNP, at nalantad ito bilang isang sanga sa pagsisiyasat sa anomalyang nagaganap sa pambansang kulungan at ang aplikasyon ng good conduct time allowance o GCTA law.
Sa isang ‘di awtorisadong sitwasyon, naglunsad ang Department of Interior and Local Gov-ernment ng isang imbestigasyon hinggil sa pagkakasangkot nito sa ilegal na droga, na ipinag-utos, walang iba kundi ng Pangulo, na habang nasa Russia, ay isinapubliko na dalawang aktibong colonel—nang hindi binabanggit ang sangay ng serbisyo—ang sangkot sa ilegal na droga.
Hindi tuwiran, sinabi ng Pangulo na sisiguraduhin niyang ang susunod na pinuno ng PNP ay hindi magiging isang pagkakamali. Tila isang pagkumpirma ito sa pagkasuklam at ‘di direktang pag-amin na nagdulot ng mga pagdududa sa kampanya sa ilegal na droga ng pamunuan ng PNP. Upang maiwasan na ‘di makapagdulot ng problema, tumanggi pa ang Pangulo na magbigay ng palagay kung sino ang pipiliin niyang sunod na pinuno ng PNP.
Sa naging pagdinig ng Senado noong nakaraang Miyerkules, higit pang nadungisan ang pangalan ni Gen. Albayalde. Ilang saksi ang lumutang at nagpahayag ng kani-kanilang rebelasyon, sa pagkakataong ito, higit na malalim kumpara sa iba, nabunyag ang mga bagong detalye na higit pang yumurak sa integridad ng paparetirong heneral.
Gayunman, sa kabuuan, ang una nang nagpabagsak sa katapatan ng heneral, ay ang nauna nang rebelasyon ni Philippine Enforcement Agency Administration chief Gen. Aaron Aquino na umano’y tinawagan siya ni Gen. Albayalde upang mahinto ang pagpapatupad ng dismissal order sa kanyang mga tauhan na napatunayang sangkot sa ‘recycling’ ng illegal na droga.
May intensyon mang magpahamak o wala ang naging hakbang, walang dudang isang pakikialam ang aksiyon na ito. Ang malala pa rito, ilan sa mga sangkot sa pagre-recycle, sa kabila ng demosyon, ay kalaunan ay nabibiyaan pa ng magandang posisyon. Kung hindi ito paglabag sa batas, ano ito?
Hindi maganda para sa PNP kung sa huli’y mahanap ng Senado ang bakas ng kawalang katuturan na maaaring magpabagsak sa integridad ng buong organisasyon. Habang nahayag na sa pagdinig ang mga pangambang ito, ang pag-uugnay-ugnay ng mga bagay at paghahanap kung sino ang mga may pakana ay malalantad na lamang kalaunan. At ang nasapubliko lamang ay ang katotohanang walang dudang magdudulot ng negatibong epekto ang isyu, na idinulot ng pakikialam ni Gen. Albayalde.
-Johnny Dayang