Ni Edwin Rollon
HINILING ng Games and Amusements Board (GAB) sa local boxing promotions ang pakikiisa at pakikipagtulungan upang agarang maisagawa ang fight promotion upang mapunan ang limang bakanteng Philippine title sa kasalukuyan.
Nitong Oktubre 10, sa isinagawang monthly evaluation and rating ng GAB Boxing Ratings Committee, na binubuo nina Chairman Baham Mitra, Commissioners Ed Trinidad, at Mar Masanguid, at ilang opisyal ng GAB boxing division at iba pang boxing stakeholder, napagtanto na may kasalukuyang anim na Philippine champions, ngunit lima sa 11 weight division ang nananatiling bakante.
“GAB is determined to fill the vacant titles without wasting any time as we urging our boxing promoters to move for elimination contests and field their boxers in GAB’s official rankings,” sambit ni Mitra.
Bilang tanging boxing ranking body sa bansa, sinabi ni Mitra na ang mga fighters na mabibigyan ng tamang ranking ng GAB rating committee ang mabibigyan ng pagkakataon na lumaban para sa Philippine Championship.
“The initial Philippine Championship Belt per division shall be supplied by GAB and the belts will be imported from Thailand. The proceeding title belts will be provided and agreed upon by our [boxing] promoters,” sambit ni Mitra.
“We need the help and support of our local boxing promoters. May limang Philippine division title na bakante at kailangan mapunan sa madaling panahon. Kami sa GAB ay handang makipagtulungan sa promosyon upang mabigyan din ng pagkakataon ang ating mga fighters na tumaas ang kanilang ratings,” aniya.
Sa naturang pagpupulong, iprinoklama ng GAB ranking committee sina Genesis Libranza ng Davao City bilang Philippine (GAB) Flyweight (112 lbs) Champion, Giovanni Escaner ng Paranaque City (Bantamweight (118 lbs) Champion), Mark Anthony Geraldo ng Valencia City, Bukidnon (Super- Bantamweight (122 lbs) Champion), Roldan Aldea ng Kabankalan City, Negros Occidental (Lightweight (135 lbs) Champion), Jheritz Chavez ng San Pedro, Laguna (Super Lightweight (140 lbs) Champion), at Jayar Inson ng Davao City (Welterweight (147 lbs) Champion).
Inilista bilang prioridad ang promosyon sa limang bakanteng championship sa Minimum Weight (105lbs), Light-Flyweight (108 lbs), Super-flyweight (115 lbs),Featherweight (126 lbs), at Super-Featherweight (130 lbs). Idineklarang mandatory vacant ang Minimumweight division matapos ang naging tagumpay ni Pedro Taduran sa International Boxing Federation (IBF) World Minimumweight Championship nitong September 7, 2019.
Kamakailan, nagsumite ng panukala ang GAB ranking committee sa posibilidad na maisama sa sa Top 3 ng bawat division ranking ng Oriental and Pacific Boxing Federation (OPBF) ang mga kasalukuyang RP Champions. Ang OPBF ay maituturing tugtungan ng Pinoy fighters sa kanilang paghahangad na mapalaban sa mas malalaking world boxing body.