ETO na naman tayo.
Parang palitaw kung umusbong ang ilang mga isyu na paulit-ulit lang na tinugunan ng gobyerno.
Bagamat alam na natin na may batas na umiiral, subalit nababasa pa rin natin sa social media na muling ‘pinaiigting’ ang kampanya ng gobyerno sa ilang mga patakaran nito.
Ang isyu ng ‘wangwang’ang pinakamainit ngayon.
Biruin nyo, maging ilang mga istasyon ng radyo at nagsagawa pa ng survey sa ilang programa upang kunin ang pulso ng publiko. Ang kanilang tanong: Dapat bang tanggalin ang wangwang?
Ano ba ýan?
Alam naman natin na ilang sasakyan lang ng gobyerno ang pinapayagan sa batas na gumamit ng wangwang, kabilang na dito ang presidential convoy at mga emergency vehicle ng pulis, ambulansiya at Bureau of Jail Management and Penology.
Ika nga ng isang FM radio DJ: Kailangan pa bang i-memorize yan?
Hindi natin tuloy mabatid kung talagang likas na tanga ang mga Pinoy o talagang matigas lang ang ulo ng mga ito.
Malinaw sa batas na hindi basta-bastang makagagamit ang ibang sasakyan ng wangwang dahil may panuntunan ang gobyerno para rito.
Tumingin kayo sa paligid, lalo na sa mga probinsiya, maraming sasakyan ng gobyerno at pribadong indibidwal ang gumagamit ng wangwang.
Maririnig nyo ang maiingay na wangwang sa mga magagarang SUV na napaka-kapal ng tint sa bintana ng sasakyan. Pustahan tayo ang nakasakay sa sasakyan na iyon ay kung hindi kongresista ay alkalde ng bayan.
Ang tawag dito ay ‘wangwang galore’.
Bukod dito, marami ring makakapal na mukha na mga tauhan ng barangay na kung makaasta sa motorsiklo nila ay mas sikat pa sila sa akalde sa kanilang lugar.
Ito ay dahil sa paggamit ng wangwang sa pag-escort ng mga patay, o kaya’y mga kinakasal.
At dahil sa lakas ng kuryente na ginagamit sa wangwang at sirena ng kanilang motorsiklo na pangkamote rider, madalas itong tumitirik. Itoý matapos maubusan ng kuryente ang baterya ng motorsiklo sa walang humpay na paggamit ng wangwang.
Karma ang tawag dyan! At kung makaharang pa sa kalye ng mga sasakyang dumadaan upang mauna lang ang kanilang mga ‘amo’ ay ganun-ganun na lang.
Hoy! Hindi nyo pag-aari ang kalsada.
Sana naman ay maging tapat ang gobyerno sa pagpapatupad sa batas laban sa hindi awtorisadong paggamit ng wangwang.
Nakaririndi na, lalung-lalo habang naiipit ka sa trapik ay bigla pang sisingit ang isang sasakyan na naka-wangwang.
Mahiya naman kayo!
-Aris Ilagan