ISANG pagmamalaki, nang malaman ng bansa nitong Lunes ang matagumpay na pagkapanalo ng dalawang Pilipinong atleta sa pinakamataas na lebel ng amateur sports – sina Carlos Edriel Yulo sa gymnastics at Nesthy Petecio sa women’s boxing.
Nasungkit ni Yulo ng Malate, Manila, 19-anyos na may taas lamang na 4’11, ang gintong medalya sa floor exercise sa Federation Internationale de Gymnastique (FIG) World Artistic Championships sa Stuttgart, Germany. Nagwagi siya sa pinakamaliit na margins— 15,300 puntos laban sa 15,200 puntos– ni Artem Dolgopyat ng Israel, ang siyang nangungunang qualifier at frontrunner sa kompetisyon hanggang sa sumabak si Yulo, ikalawa sa huling nakipagtunggali. Nasa ikatlong puwesto naman si Xiao Routeng ng China, na may 14,933 puntos.
Sa unang pagkakataon sa kompetisyon ng world gymnastics, pinatutog ang “Lupang Hinirang,” ang pambansang awit ng Pilipinas, matapos matanggap ni Yulo ang kanyang gintong medalya sa floor exercise, isa sa anim na events sa Stuttgart championships. Sasamahan niya ngayon ang pole vaulter na si E. J. Oblena, ang unang Pilipinong atletang nakapasok para sa Tokyo Olympics sa 2020.
Ilang oras matapos ang pagkapanalo ni Yulo sa Germany, panibagong karangalan ang ibinigay sa bansa ng Pilipinang boksingero, na si Nesthy Petecio, matapos nitong matalo ang hometown favorite na si Ludmila Vorontsova sa isang 3-2 split decision, upang makuha ang gintong medalya sa featherweight division ng 2019 Women’s World Boxing Championship of the Association Internationale de Boxe Amateur (AIBA) sa Ulan-Ude, Russia.
Sa kanyang daan patungo sa featherweight finals, nagapi ni Petecio ang mga qualifiers mula Japan, China, Bulgaria, at Spain, at ang isang bosingero mula England sa semifinal. Sa naunang mga international na laban, nakasungkit rin siya ng pilak sa bantamweight sa Jakarta noong 2011, sa Myanmar noong 2013, sa Singapore noong 2015, at sa Asian Amateur Boxing Championships sa Wulanchabu, Mongolia, noong 2015.
Ang matagumpay na magkamit ng gintong medalya ay dumating, habang pinaghahandaan natin ang Southeast Asian Games, na pangungunahan ng Pilipinas sa susunod na buwan. Ngunit malaki rin ang ating hinahangad para sa Summer Olympic Games na idaraos sa Tokyo, Japan, sa 2020.
Taong 1924 pa nagsimulang lumahok ang Pilipinas sa Olympics, sa summer games sa Paris, France. Nakuha natin ang unang medalya—ang tanso—mula sa manlalangoy na si Teofilo Yldefonso sa Amsterdam, Netherlands, noong 1928. Tatlong tansong medalya pa ang ating nasungkit sa Los Angeles, United States, noong 1932, at isa pang tansa sa Berlin, Germany, noong 1936.
Tatlong pilak na medalya ang pinakamataas na karangalang nakuha natin sa Olympic—mula sa boksingerong si Anthony Villanueva sa Tokyo, Japan, noong 1964; ang boksingerong si Mansueto Velasco sa Atlanta, US, noong 1996; at ang weightlifter na si Hidilyn Diaz sa Rio de Janeiro, Brazil, noong 2016.
Nakita na natin ang pag-asa sa ating mga bosingero, manlalangoy, at kamakailan sa mga weightlifters, sa international sports competitions. Maaari tayong makatagpo ng iba pang posibilidad sa idaraos na SEA Games sa susunod na buwan. Ngayon, maaari na nating maisama ang ating mga gymnasts sa pangunguna ng batang si Yulo, para sa inaasam nating medalya para sa Tokyo Olympics sa 2020.