SA wakas, ipinasiya ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Oscar Albayalde na bumaba sa puwesto sa halip na hintayin ang compulsory retirement niya sa Nobyembre 8 sa edad na 56. Ang kanyang pagbaba sa pinakamataas na posisyon sa PNP ay ang tinatawag na “non-duty leave”.
Makabubuti ang ginawang ito ni Albayalde upang maisalba ang 190,000-strong police force sa ano mang hindi kanais-nais na duda at puna ng mga mamamayan. Nakalulungkot na ilang araw na lang at magreretiro na siya pero biglang naungkat ang isyu ng “ninja cops” noong siya pa ang provincial commander ng Pampanga PNP.
Hindi naman talagang isyu ang ninja cops sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon ni Sen. Richard “Dick” Gordon kundi ang isyu ay tungkol sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) na biglang sumambulat dahil sa posibleng pagpapalaya sa rapist-murderer na si ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez sa bisa ng GCTA.
Nabunyag din na may mga drug lord, rapist-killer at heinous crime convict ang napalaya sa bisa ng GCTA dahil nasuhulan umano ang mga opisyal at tauhan ng New Bilibid Prisons (NBP). Hanggang sa kulungan ay mabagsik ang impluwensiya ni Sanchez. Kung hindi sa kanya, hindi sana naungkat ang kaso ng ninja cops sa Pampanga na nangyari noon pang 2013 na biglang sumingaw dahil sa pagre-recycle umano ng nasamsam na shabu sa bahay ng isang Korean drug lord sa Mexico, Pampanga.
Ayon kay PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac, ang terminong “non-duty status” ay halos katulad na rin ng terminal leave. Mariing itinanggi ni Albayalde na sangkot siya sa ninja cops. Kukunin niyang abogado ang sikat na Kabalen na si Estelito Mendoza, dating Solicitor General noong panahon ni ex-Pres. Marcos, upang kasuhan ang ilang heneral na nagsangkot sa kanya sa kaso.
oOo
Naging isang “spectacle” o magandang panoorin at balita ang “commute challenge” nina presidential spokesperon Salvador Panelo at Bayan Muna Sec. General Renato Reyes. Tinanggap ni Panelo ang hamon ni Reyes at mga kritiko na siya ay mag-commute para malaman kung talagang may transport crisis.
Kumasa si Spox Panelo sa hamon at pinatunayang walang krisis sa transportasyon (transport crisis) kundi krisis sa trapiko o traffic crisis. Halos apat na oras na nag-commute ang tagapagsalita ng Palasyo na bagamat isang senior citizen na rin ay nag-survive sa init, usok at dumi ng lansangan na araw-araw ay dinaranas ng libu-libong commuters.
Ipinaliwanag ni Panelo na ang terminong “transport crisis” ay hindi akma sa situwasyon ngayon sa EDSA at mga lansangan sa Metro Manila. Ang dapat daw itawag dito ay “traffic crisis” o krisis sa trapiko dahil sa bigat ng daloy ng trapiko o mabagal na pag-usad ng mga sasakyan.
Bilang abugado, sinabi niyang kapag krisis sa transportasyon, ibig sabihin ay walang mga sasakyan sa lansangan. Pero, aniya, may mga sasakyan naman kaya lang mabagal ang usad. Hinamon uli siyang mag-commute sa loob ng anim na buwan, subalit ayaw nang patulan pa ito ni Panelo.
Anyway, dahil sa naranasan niyang hirap, pawis, pagod at hingal sa halos apat na oras na pagsakay-pababa sa mga jeep habang bitbit ang maroon na blazer at isang peryodiko, marahil ay kikilos na ngayon nang todo ang Department of Transportation at iba pang ahensiya ng gobyerno upang mapaluwag ang trapiko.
Isa sa ipinangako noon ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na lulutasin niya ang problema sa trapiko sa EDSA at mga lansangan, pero ayaw naman siyang bigyan ng emergency power ng Senado. Dahil dito, hanggang ngayon, katakut-takot na dusa, sakripisyo, pawis at dumi araw-araw ang dinaranas ng mga commuter.
-Bert de Guzman