NAGKAKAGULO ngayon sa Philippine Military Academy (PMA) dahil sa pagkamatay ni Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio sa hazing o kalupitan at pagmaltrato ng upperclassmen sa kanya. Ang hazing ay isang kalakaran sa PMA upang hubugin daw ang mga kadete para maging disiplinado, tapat at mahusay na kawal ng bansa.
Ngayon ay nagkakagulo rin si hanay ng mga dating kadete ng PMA na hinubog sa gayong kalakaran. Ang sangkot sa kaguluhang ito ay sina PNP Chief Gen. Oscar Albayalde at dating mga Heneral ng PNP, kabilang sina Gen. Benjamin Magalong, Gen. Aaron Aquino, Gen. Rudy Lacadin, Gen. Gaerlan at iba pa.
Kung ganito ang nangyayari, wala palang mabuting bunga ang pinaiiral na hazing sa PMA na huhubog umano sa karakter ng isang kadete. Bakit kanyo? Maliwanag na pruweba ang pagbabangayan nina Albayalde at dating upperclassmen niya sa PMA. Ang lahat ng ito ay bunsod ng problema sa “ninja cops” na mga tauhan ng PNP Chief noong siya pa ang Pampanga provincial director.
Batay mga pagdinig ng Senado, nagsagawa ng buy-bust operations ang mga pulis noong 2013 sa residence ng isang suspected drug lord. Sila umano ay nakakumpiska ng 200 kilo ng shabu, pero ang idineklara lang ay 38 kilo. Ang nalalabing shabu ay ni-recycle umano ng mga tauhan ni Albayalde. Itinanggi ng hepe ng PNP na may kinalaman siya rito.
Samantala, pinahaharap ng Department of Justice (DOJ) ang 13 ninja cops para dumalo sa reinvestigation ng kanilang kaso ngayon, Oktubre 16. Ang mga pulis sa pangunguna ni Maj Rodney Baloyo IV ay pinahaharap sa isang grupo ng prosecutors para magsumite ng karagdagang ebidensiya sa 2013 illegal drug case.
Nanindigan si Supreme Court Chief Justice Lucas Bersamin na walang manipulasyong gagawin ang Presidential Electoral Tribunal (PET) tungkol sa protesta ni ex-Sen. Bongbong Marcos laban kay Vice Pres. Leni Robrero.
Siniguro niya sa publiko (habang sinusulat ko ito) na ilalabas nila ang resulta sa susunod na linggo. “It may not what you expect. We are still discussing many other things so that is all I can tell you. Don’t worry, di ko niluluto, di puwedeng lutuin yan.” Tiniyak niya na walang ano mang impluwensiya ang makapagpapabago sa desisyon ng mga miyembro ng PET tungkol sa electoral protest ni Marcos.
Hindi maiwasang may mga sektor na mangamba dahil sa ilang pagpapaliban na sa resulta ng protesta ang ginawa gayong matagal nang isinumite ni SC associate justice Benjamin Caguiao ang kanyang report.
Nangangamba rin ang ilang sektor na baka maimpluwensiyahan ng Pangulo ang PET sa protesta ni Sen. Bongbong dahil kaibigan siya ng Marcos Family at hayagang sinasabing idolo niya si ex-Pres. Marcos. Gayunman, matatag ang Malacañang sa paninindigan na hindi makikialam ang Pangulo sa electoral protest.
-Bert de Guzman