Inaasahang malaki ang maitutulong sa mga magsasaka at mangingisda na nakatira sa mga loobang barangay ng Butuan City, ng itinatayong P159 milyong farm-to-market road na pinondohan sa ilalim ng Philippine Rural Development Project of the Department of Agriculture (DA-PRDP).

Nitong nakaraang linggo, pormal nang pinasinayaan ang pagsisimula ng 9.8-kilometrong kalsada, na dinaluhan naman ni DA-PRDP Regional Infrastructure Component head Engr. Rene Morales kasama sina Butuan City Administrator Renante Desiata at City Councilor Vincent Rizal Rosario.

Sa isang panayam, ibinahagi ni Joseph John Palarca, Information Specialist ng DA-PRDP, na direktang mabibigayn ng benepisyo mula sa proyekto ang nasa 511 pamilya ng mga magsasaka at mangingisda sa komunidad ng Tungao at San Mateo.

Ibinahagi rin ni Palarca, na rubber ang nananatiling pangunahing kabuhayan ng mga magsasaka sa dalawang barangay, habang nasa kabuuang 2,297 ektarya sa San Mateo at Tungao ang natataniman din ng mga kape, cacao, at saging.

May 9,930 ektarya rin ang barangay na maaaring palawakin, para sa isang bagong ‘economic hub’ na itatayo sa Butuan, ayon sa DA-PRDP.

Kapag natapos ang proyekto, mababawasan umano ang gastos ng mga magsasaka ng halos 30 porsiyento. Dagdag pa rito, na mapatataas din ng kalsada ang “average daily traffic” sa 2.13 porsiyento kada limang taon sa lugar, at mapabubuti ang mga daan patungong iba pang barangay ng 100 porsiyento.

Una nang nakatanggap ngayong taon ng tulong ang isang kooperatiba na nakabase sa Barangay Tungao mula sa DA-PRDP.

Nakatanggap ang K.7 Farmers Producers Cooperative ngP22 milyong pondo para sa Integrated Rubber Production and Marketing Project.

PNA