NOONG nakaraang taon, isang private gallery ang nagsubasta ng isang pambihirang, orihinal na liham na isinulat mismo ni Gregoria de Jesus na nagsasalaysay sa kontrobersiyal na Tejeros Convention ng 1897, na humantong sa pagkakaaresto, paglilitis at pagpatay sa asawa niyang si Andres Bonifacio. Mayroon ding isang pambihirang larawan ni “Aling Oriang” na alay kay Jose P. Santos na nilagdaan pa niya ng “Gregoria de Bonifacio”.
Kilala si Aling Oriang bilang “Lakambini ng Katipunan.” Sa kabila ng kanyang mahalagang ambag sa ating kasaysayan, napakaliit lamang atensyon ang ibinigay para sa kanyang kabayanihan sa ating mga aklat pangkasaysayan. Maihahalintulad ang pagtingin natin sa kasaysayan sa panonood natin ng mga pelikula at telenobela. Nakatuon tayo sa mga pangunahing karakter: ang bida, ang may mga supernatural o superhuman na katangian. Habang hindi naman binibigyan ng pansin ang mga aktor na magaling na nagagampanan ang kanilang karakter ngunit hindi naman bida sa pelikula.
Natatandaan ko pa ang ilang klase ko sa kasaysayan noong elementarya at high school. Karamihan sa mga talakayin namin sa klase ay nakatuon sa mga pangunahing karakter: sina: Rizal, Bonifacio, Jacinto, del Pilar, Luna, at Aguinaldo. Ang ibang mga bayani ay naisasantabi lamang sa likod ng ating kasaysayan.
Sa aking palagay, tungkulin natin bilang mga Pilipino na alamin ang ating kasaysayan; hindi lamang ang kasaysayang ibinibigay sa mga aklat ngunita ang ating buhay na kasaysayan. Dapat itong kasaysayan, hindi ng iilan lamang, ngunit ng buong Pilipinas bilang isang nasyon. Isang kaso nito si Gregoria de Jesus. Ang kanyang naging ambag sa rebolusyon ay hindi dapat makaligtaan.
Sa kanyang autobiography na may titulong, “Mga Tala ng Aking Buhay” na isinulat noong Nobyembre 5, 1928, ibinahahagi ni Aling Oriang, na ipinanganak siya noong Mayo 9, 1875 sa Caloocan, na noo’y bahagi pa ng probinsiya ng Rizal.
Ang kanyang mga magulang sina Nicolas de Jesus, isang master mason at karpintero, at Baltazara Alvarez Francisco, pamangkin ni General Mariano Alvarez. Sa kabila ng galing sa pag-aaral—nagwagi siya sa isang pagsusulit na ibinigay ng governor-general at ng kura ng bayan at nakatanggap rin ng isang medalyang pilak—tumigil siya sa pag-aaral, “to enable two brothers of mine to continue their studies in Manila.”
Isinulat din niya ang panliligaw ni Bonifacio at kung paano hindi nagugustuhan ng kanyang ama ang magiging-Supremo dahil sa pagiging kasapi nito ng malaking kilusan, na ikinokonsiderang “masama” ng mga Katolikong prayle.
Ngunit kalaunan ay ikinasal din sila, una sa Katolikong Simbahan sa Binondo noong Marso 1893, at isang linggo makalipas, sa Calle Oroquieta sa harap ng mga lider at mga miyembro ng Katipunan. Inalala rin niya kung paano siya napabilang sa Katipunan ng gabing iyon at nakuha ang pangalang “Lakambini.”
Matapos makapag-ayos para sa buhay may asawa, itinuon ni de Jesus ang kanyang gawain sa Katipunan, sa pagtatago ng mahahalagang kagamitan “such as the revolver and other weapons, the seal, and all the papers.”
Inilarawan din niya ang panganib na kanilang kinahaharap sa pagdami ng mga miyembro ng Katipunan sa bawat pagpupulong at panunumpa ng mga bagong miyembro halos gabi-gabi sa kanilang tahanan. Sa isensiya, ang bahay ng bagong mag-asawa ay nagsisilbi hindi lamang bilang kanlungan ng kanilang bagong pagsasama ngunit ng rebolusyon din. Nabanggit niya sa kanyang: “I nearly clothed myself with the Katipunan documents that were so dangerous to keep in those days.”
Ang “Lakambini of the Katipunan” ay isang mahalagang bahagi ng rebolusyunaryong samahan. Hindi niya inda ang takot sa harap ng matinding panganib, minsan kahit pa ang kamatayan. Ang kanyang kabayanihan ay pinalakas ng kagustuhang “to see unfurled the flag of an independent Philippines.”
Nabanggit din niyang siya ay ikinokonsiderang sundalo, at sinanay kung paano sumakay at magpaputok ng baril. Tulad ng ibang rebolusyonaryo naranasan din niyang magtago at matulog sa lupa nang wala man lamang kinain sa buong araw, at tanging ang pag-inom lamang ng maruming tubig “from mud holes or the sap of vines.”
Ang kabayanihan ni Gregoria de Jesus ang isa sa nagbigay daan sa kalayaan at kasarinlang tinatamasa natin ngayon. Tungkulin nating hindi lamang kilalanin ang mga sakripisyo ng mga Pilipinong tulad ni Aling Oriang ngunit siguraduhing maprotektahan ang prinsipyo at hangaring pinaglaanan ng kanilang buhay.
-Manny Villar