SUMUKO na ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa tila matatag na tindig ng administrasyon sa mungkahi nitong Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA).
Una nang nagpahayag ng pagkontra si PEZA Director General Charito B. Plaza sa hakbang ng CITIRA na tanggalin ang limang porsiyentong Gross Income Earned (GIE) tax na dating binabayaran ng mga dayuhang kompanyang nagpapatakbo sa mga export zones ng bansa, bilang kapalit ng lokal at pambansang buwis. Nagtungo ang mga dayuhang kompanya sa Pilipinas dahil dito at iba pang mga insentibong iniaalok ng gobyerno ng Pilipinas.
Sa napipintong pagpapatupad ng CITIRA, maraming dayuhang kompanya ang nagpahayag na posibleng lumipat na lamang sila sa mga bansang tulad ng Vietnam. Kaya naman nakiusap si Director General Plaza, na huwag isama ang mga kumpanyang bahagi ng PEZA mula sa probisyon ng CITIRA na nagtatanggal sa limang porsiyentong GIE tax.
Nitong nakaraang linggo, nagpatawag ng isang pagpupulong sina Secretary of Trade and Industy Ramon Lopez, ang chairman ng PEZA board, at pinangunahan ito sa unang pagkakataon. Sinabi nitong ang reporma sa buwis na nakapaloob sa CITIRA ay mandato ng Pangulo at inaprubahan ng gabinete.
Mayroon nang ginagawang pagsasaayos sa ilang tiyak na probisyon sa nasabing panukala upang matugunan ang pangamba ng ilang dayuhang mga kompanya, aniya, kasama pa ng mga senador hinggil sa posibleng epekto sa mga trabaho na ngayo’y hawak ng maraming Pilipino sa mga dayuhang kompanya. Ang ‘refinement’ ay may kinalaman sa bilang ng taon na maaaring makuha ng mga kumpanya sa espesyal na limang porsiyentong GIE tax rate. Iminumungkahi rin sa panukala ang mas mababang tax rates para sa mga bagong proyekto sa strategic high-technology industries.
Sinabi ni Director General Plaza na nakasuporta na ngayon ang PEZA sa Department of Finance bilang pagsuporta sa hakbang ng CITIRA na baguhin ang tax incentive system para sa mga dayuhang kompanya, bigyan ito ng tamang panahon, at kasama ng sapat na atensiyon at aksiyon sa mga mabibigat na pangamba ng dayuhang mga kompanya.
“At the end of the day,” aniya, “we will leave it to the wisdom of the senators and the President of a beautiful law.”
Orihinal na TRAIN 2 ang tawag sa naturang panukala, dahil ito ang ikalawang bahagi ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act ng administrasyon. Matatandaan nating ang unang batas—ang TRAIN 1– ang lumikha sa mga bagong buwis, kabilang ang P2 taripa sa mga inaangkat na diesel, na malaking salik sa dinanas nating problema sa inflation noong 2018. Pinalitan ito ng pangalan at tinawag na TRABAHO –o Tax Reform for Attracting Better and High-quality Opportunities – matapos nito at kalaunan nga ay tinawag nang CITIRA.
Nakatakda nang ihain ang CITIRA sa kongreso at nariyan nga ang pangamba na maaari itong magdulot ng pagkawala ng maraming trabaho lalo’t maraming dayuhang kumpanya ang nagbanta na aalis ng bansa kung tatanggalin ng pamahalaan ang limang porsiyentong GIE tax na nag-akit sa kanila na pumunta sa bansa. Kailangang ang malaking pagsisikap upang makumbinsi ang mg dayuhang kompanya at kanilang mga kapulungan na manatili sa ilalim ng bagong mga probisyon ng batas.