ANIM na buwang nakatengga si Markus Patterson dahil nagte-therapy sa tinamong aksidente sa motorsiklo noong Oktubre 2018. Inamin ng binatang aktor na naghihintay siya ng project habang nagpapagaling at naintindihan naman niya kung natagalan.
Nasa 70% okay na ang binti ni Markus dahil hindi na siya iika-ika maglakad, pero kailangan pa rin niyang mag-ingat.
Kaya naman excited siya nang ialok ang karakter na Rayven sa digital series na Kargo na kasalukuyang umeere ngayon sa iWant mula sa Star Creatives na idinirek naman ni Julius Alfonso.
English speaking si Markus kaya tinanong kung hindi siya nahirapan sa mga lengguwaheng ginamit sa Kargo na salitang kalye o vargas.
“Mga vulgar languages? (sabay ngiti ng aktor). No naman, it’s common naman sa mga kaedad ko ngayon,”saad ng binata.
Dagdag pa, “yung eksenang nagmumura, madadala ka sa eksena kasi tinorture ‘yung kapatid ko so, talagang mapapamura ka. Talagang dalang-dala ako sa eksena.”
Nang mabasa ni Markus ang script ay talagang nagustuhan niya kasi kakaiba at gusto niyang i-challenge ang sarili para hindi laging boy next door ang role niya.
Base sa napanood naming 2 episodes’ ng Kargo ay may chemistry sila ng bidang babaeng si Hanna na ginampanan ni Gilian Vicencio.
“Nagsimula ‘yung chemistry namin sa script reading palang , so wala pang taping. Tapos kinausap ko siya na I want to get to know her, of course we gonna work together kasi it’s unconventional rom-com, may mga dark na mapapanood n’yo at ang dami naming ginawang first time,” kuwento ni Markus.
Iniba rin ang mga itsura ng mga karakter sa Kargo tulad ni Markus na pinaitim siya na malayo sa tunay niyang itsurang mestizo.
“Itsurang madungis talaga ‘yung hinanap nila, they put tanning lotion, tinatoo-han lahat, bawal magmake-up, pag pinawisan ka okay lang tuloy ‘yan, kaya nga sabi ni direk mabaho kaming lahat,” natawang sabi ng binata.
Totoo naman sa presscon ay ibinuking ni direk Julius na amoy na amoy niya ang lahat ng artista niya sa set na amoy pawis, “naamoy ko na mababaho sila, ‘yan ang tama.”
Natanong for nth time si Markus tungkol kay Janella at napangiti ang binata, “ayan tayo, eh. Real score, of course alam n’yo namang wala akong sasabihin, we’re good friends. What you see is what you get.”
Sa tanong namin kung ilang buwan na silang ‘friends’, “almost 7 months since MMK (Maalaala Mo Kaya) doon kami naging close.”
Pero kahit close sina Markus at Janella ay ayaw maka-trabaho ng aktor ang aktres.
“’Yun po ang iniiwasan ko for obvious reasons, she has her own career, I have mine, ayaw naming maging isyu,” katwiran ng binata.
Anyway, napapanood ang Kargo sa iWant simula pa noong Oktubre 11 at bukod kina Markus at Gillian ay kasama rin sina Lui Villaruz at Rio Locsin.
Speaking of iWant ay umabot na sa 14 milyon ang subscribers nito kaya naman halos linggu-linggo ay may launching para sa bagong digital series.
-REGGEE BONOAN