NAGBIGAY-PUGAY ang isang lungsod na isinunod ang pangalan sa isang rebolusyonaryong bayani mula Cavite at kinikilalang unang de facto vice president ng pamahalaang rebolusyonaryo ng Pilipinas sa panahon ng mga Espanyol – bilang paggunita sa ika-150 kaarawan ni Gen. Mariano Trias, nitong Sabado.

Dinaluhan ang pagdiriwang ni Metro Manila Development Authority chairman Danilo Lim, kung saan tampok ang pag-aalay ng bulaklak sa monumento ng bayani sa lungsod ng Gen. Trias, Cavite.

“Marami ng nasaksihan ang bayang ito at malaki ang papel ng mga magigiting na Kabitenyo sa pag-aklas kabilang si Heneral Trias para sa Kalayaan ng bawat Pilipino. Bahagi tayo ng makabuluhang kasaysayan. Hindi nakapagtataka na tulad ni Heneral Trias ang isa sa magpapatunay nito na lokal ng bayan na noon ay San Francisco de Malabon,” pahayag ni Lim.

Isa ring misa ng pasasalamat ang inialay habang nagkaroon din ng fireworks display na tampok sa selebrasyon ng lungsod.

Nagsagawa naman ang National Historical Commission of the Philippines ng isang -telling session, na tinawag na “Huntahan sa GenTri: Iasan Sangpaksa tungkol sa Buhay, Gawa at Kontribusyon ni Heneral Mariano Trias” patungkol sa buhay, gawa, at ambag ng bayani sa kultura ng lungsod.

Bukod dito, nagkaroon din ng On-the-Spot Poster Making na may titulong “Bisita Gilas sa GenTri” at photo exhibit bilang bahagi rin ng pagdiriwang.

Ayon sa mga tala ng kasaysayan, isa si Gen. Trias sa pinakamatapang na heneral ng Katipunan at isa sa mga nanguna upang depensahan ang bansa mula sa pananakop ng mga Espanyol.

Ikinokonsidera siyang “first de facto Vice President of the Philippines” sa panahon ng rebolusyonaryong pamahalaan na itinatag sa Tejeros Convention sa ilalim ni Gen. Emilio Aguinaldo noong Marso 25, 1897.

Ipinanganak si Trias noong Oktubre 12, 1869, ng magulang na sina Don Balbino Trias at Gabriela Closas mula sa Barangay Bagumbayan at pumanaw dahil sa appendectomy noong Pebrero 22, 1914, sa Philippine General Hospital kung saan inilibing sa Maynila. Kalaunan inilipat ang kanyang mga labi sa nasabing bayan na dating kilala bilang San Francisco de Malabon.

Anim na araw makalipas ang kanyang pagpanaw, ipinasa ng dating Philippine Assembly ang Legislative Act No. 2390 na siyang nagpalit sa pangalan ng bayan Malabon. Anim na taon ang nakalipas, naaprubahan ang Legislative Act No. 2889 , at pormal na pinalitan ang pangalan ng bayan bilang General Mariano Trias.

PNA