MAY kasabihan sa Tagalog na walang lihim na nananatiling lihim. Darating ang araw na ito ay sisingaw rin. Parang ito ang nangyayari ngayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Oscar Albayalde na dinadaluyong ngayon ng unos na may kaugnayan sa “ninja cops” o mga tarantadong pulis na nag-recycle ng mga shabu na kanilang nasamsam sa buy-bust operations noon pang 2013.
Ang multo ng 200 kilo ng shabu na nasamsam ng mga pulis ni Albayalde sa Pampanga noong siya pa ang provincial commander, ay unti-unting lumilitaw ngayon sa pagdinig ng Senado. Batay sa mga pagdinig, sa 200 kilo ay tanging 38 kilo lang ang idineklara umano na nakuha mula sa residence ng isang umano’y Koreanong drug lord sa Mexico, Pampanga.
Samakatwid, may P650 milyon halaga ng shabu ang itinago ng mga kawatang pulis. Ayon nga kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, noon ay hepe ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nag-imbestiga, bumaha ng shabu sa Pampanga at iba pang mga lugar sa Central Luzon. Kung paniniwalaan siya, nagkaroon daw ng mga SUVs ang mga pulis pagkatapos ng operasyon.
Si Albayalde bilang Pampanga PNP director noon ay na-relieve samantalang ang 13 pulis ay iniutos na i-dismiss sa serbisyo. Gayunman, ang 13 “ninja cops” ay hindi na-dismiss dahil umano’y in-arbor sila ni Albayalde. Tumagal nang ilang taon ang utos laban sa 13 pulis ngunit sa halip na ma-dismiss, sila ay demoted lang.
Bukod kay Magalong, dalawa pang PNP general (ngayon ay retirado na) ang nagsabing alam ni Albayalde ang buy-bust operation sa Mexico, Pampanga noong 2013. Mahigpit na itinanggi ito ng PNP Chief. Sa Senate hearing, hindi naiwasan ni Albayalde na maghinalang parang pinagkakaisahan siya ng dating mga heneral.
Nasa kamay na ngayon ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang kapalaran ni Gen. Albayalde kung siya ay sisibakin o pananatilihin sa puwesto. Nakatakda siyang magretiro sa Nobyembre 8, ang kanyang ika-56 kaarawan.
Siyanga pala, ang ating Pangulo ay malusog at kayang gampanan ang tungkulin kahit siya ay may myasthenia gravis. Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, sa kanyang personal assessment o tantiya, kayang-kaya ng Pangulo ang tungkulin dahil siya ay “a strong man to be able to do his job, which is very taxing, very demanding and high-pressure level job.”
Minsan ay sinabi ng dati niyang tagapagsalita, si Harry Roque, na si PRRD ay kasinglakas ng isang toro bunsod ng sapantaha ng mga kritiko na siya ay may sakit. Para naman kay presidential spokesman Salvador Panelo, ang Pangulo ay kasinglakas ng kabayo. Sana ay manatiling malusog si PDu30 at matapos niya ang termino hanggang 2022.
-Bert de Guzman