HINILING kay Pangulong Duterte nina Secretary Alfonso Cusi at Assistant Secretary Leonido Pulido III ng Department of Energy na isaalang-alang ang hakbang na amyendahan ang Oil Deregulation Law (ODL).
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sa pulong ng Gabinete nitong nakaraang Biyernes, nais ng DOE na pahintulutan ang kalihim nito na itakda ang maximum price ng langis. Iminungkahi rin nina Cusi at Pulido ang paglikha sa pamamagitan ng Executive Order ng interagency body na gagawa ng oil contingency policy sa panahon ng krisis. Ang mga ito ay pinag-aralan ng DOE pagkatapos salakayin ang mga pasalidad ng langis sa Saudi Arabia na naglagay sa panganib ang pandaigdigang supply ng langis. Ang mga kompanya ng langis kasi ay nagtaas agad ng presyo ng kanilang produkto pagkatapos na atakihin ang mga oil refineries ng Saudi Arabia, pero nagbaba sila muli. Kaya lang, ang halagang dapat na siningil sana nila sa pagbaba ng kanilang presyo ay mas malaki ayon sa computation ng DOE.
Iyan ang napakalaking depekto ng Oil Deregulation Law. Nasa mga kompanya ng langis ang lahat ng kalayaan para gawin ang ninanais nila para sa kanilang interes, pero sa ikapipinsala ng taumbayan. Nagnenegosyo sila sa bansa na walang kontrol ang gobyerno gayong napakahalaga ng kanilang mga produkto. Enerhiya ng bansa ang nasa kanilang kamay. Para na rin sila ang nagdidikta ng presyo ng mga pangangailangan ng mamamayan dahil tataas o bababa ang presyo ng mga ito depende kung itataas o ibababa nila ang presyo ng kanilang produkto. Kayang-kaya ng mga kompanya ng langis na gumawa ng krisis sa bansa o pahirapan ang samabayanan. Ang kasakiman ng kanilang mga pinuno ang dahilan.
Sukat ba namang palitan ng mga lider o naglilider-lideran natin ang dating sistema at inimbento nila itong Oil Deregulation Law. Pakikipagsabwatan ito sa mga dayuhang nagmamay-ari ng mga dambuhalang kompanya ng langis. Ipinagbili nila ang kapangyarirhan ng taumbayan. Ang sistema kasi noon, kontrolado ng gobyerno ang pagnenegosyo ng mga nasa industriya ng langis sa pamamagitan ng Energy Regulatory Board o kung anumang pangalan mayroon ang departmentong ito noon. Ang mga kompanya ng langis ay maghahain ng petisyon dito kapag nais nilang itaas ang presyo ng kanilang produkto. Ang taumbayan ay may karapatang labanan ito. Magkakaroon ng public hearing upang busisiin kung may batayan ang hinihingi nilang pagtataas ng presyo.
Noong panahaong iyon, nagdaraan sa butas ng karayom ang mga dambuhalang kompanya ng langis bago nila maitaas ang kanilang presyo. Ang abogado ng taumbayan noon ay si dating Senador Jose Diokno na napakagaling nang abogado, sagad pa sa buto ang pagkamakabayan. Binubusisi niya hanggang sa kahulihuliang sentimo ang pagtataas na hinihiling ng mga kompanya ng langis. Kaya, mapagbigyan man sila, makatwiran ang nakukuha nilang pagtaas. Wala na si Diokno. Naibenta na rin ang karapatan ng taumbayan na ipinagtatanggol niya.
-Ric Valmonte