Maagang natulog ang mga magulang ni Carlos Edriel Yulo noong Sabado, kaya hindi nila nasundan ang nangyayari sa kanilang anak sa Stuttgart, Germany, kung saan siya kasali sa world artistic gymnastics championships.

Hindi alam nina Angelica at Mark Andrew na gumawa ng kasaysayan ang kanilang anak.

Hindi alam nina Angelica at Mark Andrew na gumawa ng kasaysayan ang kanilang anak.

“Hindi na po namin naabangan sa YouTube, kasi hindi po naming expect na mananalo si Caloy,” sabi ni Angelica, ang ina ng 19-anyos na gymnast. “Kasi po nung nanood kami ng all-around,  inabot kami ng 2:30 a.m., eh 5:30 a.m. po ang gising namin araw-araw.”

Ginising na lang sila ng isang tawag mula sa Singapore, kung saan ang mga kasamahan ni Yulo sa national gymnastics team ang nag-eensayo para sa 30th Southeast Asian Games.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ang kamangha-manghang balita: Naka-gold ang 4-11 Yulo sa floor exercise sa Stuttgart.

“Tumawag po si coach Ricardo (Ortero) para sabihin sa amin ang resulta, nagkagulo sa bahay,” sabi ni Angelica. “Yung asawa ko nga hinahampas yung TV ng tuwalya sa tuwa.”

Para kay Angelica, isang malaking sorpresa ang panalo ng anak.

“Hindi po naming akalain kasi never pa naka 15 points si Caloy sa floor exercise. 14.8 po kasi ang best score niya,” aniya.

Ala-una sa Stuttgart nang tinawagan ni Caloy ang ina at kinuwentong nais niyang maiyak sa awarding ceremony.

“Nahihiya daw siya. Tinanong ko bakit hindi pa siya natutulog. Hindi raw siya makatulog sa tuwa. Magpapasyal daw sila sa mga museum.”

Hindi masyadong kilala ang gymnastics sa Pilipinas, na nakatutok sa basketball. Kaya walang live television coverage ng world gymnastics championships.

Naniniwala si Angelica na minana ni Caloy ang gymnastics talent sa kanyang amang si Mark Andrew. “Dati kasing street dancer ‘yung tatay niya,” aniya.

Ang dalawang kapatid ni Carlos – Eldiew, 11, at Iza, 10 – ay gymnastics din ang sport.

Ang kanyang kuyang si Joriel, 21, ay miyembro ng National University pep squad.

-Rey Bancod