“SA kasaysayan, higit na bumibili kami sa mga magsasaka sa huling quarter ng taon, at itinaas namin ang presyo kaya ang aming target ay madaling marating,” wika ni National Food Authority Administrator Judy Dansal. Ninanais kasi ng NFA na malampasan nito ang pagbili ng palay na nitong taon ay umabot sa 14.6 milyong sako.
Ang Department of Agriculture (DA) ay bumuo ng task force upang pabilisin ang operasyon ng NFA para paigtingin ang roll-over ng kanyang supply. Tutulong din ito sa pagbibili ng palay sa mga bahagi ng bansa na napakababa ang halaga. Bukod dito, magpapataw ito ng uri ng safeguard duty sa bigas upang mapagaan ang problema ng mga magsasaka, na patuloy na dinadaig sa mga pamilihan ng mga inangkat na murang bigas. Kaya lang nga, ihahayag pa ito ni Agriculture Secretary William Dar.
Panandalian lang na remedyo ang mga ginagawang ito ng NFA at DA. Iginigiit ng Federation of Free Farmers at Samahang Industriya ng Agrikultura na lumikha ng pangmatagalang solusyon na kokontrol sa pagbaha ng mga banyagang bigas sa pamilihan. Eh, nangyayari lang ngayon ang pagdagsa sa ating pamilihan ng mga bigas na galing sa ibang bansa ay dahil sa Rice Tarrification Law.
Iba kasing lumutas ng problema ang kasalukuyang administrasyon. Nilutas ang krisis sa bigas, tulad ng paglutas sa problema ng droga. Upang masugpo ang ilegal na droga sa bansa, inilunsad ni Pangulong Duterte ang kanyang war on drugs. Hindi naman sinesentrohan ng kampanyang ito ang pinakaugat ng problema. Hindi nito winawasak ang pugad na pinagmumulan ng droga. Bagkus, ang nakikita lamang nito ay ang mga nakahayag na gumagamit at nagbebenta sa mga kalye. Kaya, ang kampanya ay nakatuon laban sa mga ito na ang paraan naman ay marahas at walang paggalang sa karapatang pantao. Kaya, sa halip na malimitahan ang problema, nanganganak pa ito ng mga bagong problema. May napapatay na mga inosenteng sibilyan. Nauulila ang mga pamilya na nagiging pasanin ng lipunan.
Nilutas ng administrasyon ang kakulangan ng bigas at pagmahal ng halaga ng bigas sa bansa sa pamamagitan ng Rice Tarrification Law. Kahit sino ay pwede nang umangkat ng bigas at ikalat sa ating pamilihan para may mabili at makaing mura ang mamamayan. Ang napakalaking problema ay hindi tinutulungan ng ating gobyerno ay ang ating mga magsasaka. Mura nga ang bigas na mabibili sa ating bansa, pero ang ating binubuhay ay mga banyagang magsasaka. Hindi na kasi mabili ang palay na inaani ng ating magsasaka sapagkat higit na mura ang inangkat na bigas. Ang pangmahabang remedyo sa problemang kinakaharap ng ating magsasaka ay ibasura ang Rice Tarrification Law.
-Ric Valmonte