UNANG ipinangako ni Pangulong Duterte na wawakasan niya ang problema sa ilegal na droga sa bansa sa loob ng tatlong buwan, hanggang sa lumantad sa kanya ang kalakihan ng problema at sabihin nito na hindi niya matutuldukan ang problema kahit pa matapos na ang kanyang anim na taong termino.
Sa naging takbo ng kampanya, libu-libong ang namatay, na karamihan umano ay mga nanlaban habang inaaresto ng mga awtoridad. Bilyong pisong halaga ng droga ang nasamsam. Nagpapatuloy ang mga operasyon sa buong bansa at patuloy na nakukumpiska ang mga droga. Sa kabila nito, nagpapatuloy pa rin ang problema, na tila hindi matatapos.
Maaaring malaki ang kita sa gawaing ito dahilan kung bakit patuloy na naipupuslit ng mga dayuhang kartel sa bansa ang mga droga. Nito lamang Lunes, isang Indonesian na pasahero ang lumapag sa Manila International Airport mula Cambodia, na nakumpiskahan ng nasa $54 milyon halaga ng methamphetamine hydrochloride o shabu, isang uri ng droga na tanyag para sa karamihan ng mga Filipinong lulong sa droga—na nagtagpuan sa kanyang bagahe.
Magugunita natin na sa nakalipas na mga taon, nakalulusot sa Bureau of Customs bilyon-bilyong halaga ng mga smuggled na shabu, na nagresulta sa makailang ulit na pagpapalit ng pamunuan ng ahensiya. Maraming bloke rin ng cocaine ang natagpuang palutang-lutang sa baybayin ng Pilipinas, na karamihan ay malapit sa pangpang ng ating mga isla na nakaharap sa Pasipiko. Maraming lagusan o daan sa mga hangganan ng bansa, dahilan upang madaling maipuslit ang anumang uri ng ilegal na kargamento.
Ngayon naman, nabunyag sa atin na ilan sa mga nakukumpiskang droga ng pulisya sa kanilang mga operasyon ang hindi nasisira tulad ng dapat, ngunit inire-recycle at ibinabalik din sa merkado ng mismong mga pulis. Sinisiyasat ngayon ng Senado ang isang kaso – patungkol sa isang raid ng pulisya sa Mexico, Pampanga, noong Nobyembre, 2013, na nakuhanan 200 kilo ng shabu November, 2013, ngunit tanging 40 kilo lamang ang iniulat ng mga pulis na sumalakay at itinago ang 160 kilo na tinatayang nagkakahalaga ng P650 milyon, na muling inilako sa merkado.
Ngunit ang labis na kabalintunaan sa imbesytigasyong ito ay ang paglutang ng pangalan ni PNP chief, Gen. Oscar Albayalde, na siyang Pampanga provincial police chief nang maganap ang 2013 raid. Itinanggi na niya ang anumang pagkakasangkot sa kaso, ngunit ilang saksi ang naggigiit na nakipag-usap siya sa ilang imbestigador dahil tauhan umano nito sa Pampanga PNP, na mga sangkot.
Nangako si Pangulong Duterte na ipagpapatuloy ang kampanya laban sa ilegal na droga, kahit abutin pa siya ng kanyang anim na taong termino. Maaaring batid na niya, kung bakit ang una niyang inaasahan na maikling panahon para tapusin ang droga ay hindi makatotohanan—masyado na itong malawak.
Malakas ang suplay na nagmumula sa labas ng bansa. Maraming lagusan sa hangganan ng ating bansa. Hindi rin sapat ang kakayahan ng Customs upang mahinto ang pagpuslit ng mga kargamentong shabu na idinadaan sa mga magnetic lifters at iba pang pamamaraan. Kaya naman maraming mga Pilipino ang ngayo’y labis nang nalulong, na ginagawa ang lahat upang humanap ng makapagbibigay ng kanilang kailangan.
At ngayon, nariyan pa ang panibagong posibleng rason sa nagpapatuloy na problema sa droga sa kabila ng malawakang kampanya ng administrasyong Duterte. At ito ay dahil ang dapat na nagpapatupad ng kampanya, ang pulisya, ay maaaring naging bahagi na ng problema—bumigay sa tukso ng milyon-milyong piso na madali lamang nakukuha, sa pamamagitan ng pagkupit sa ilang mga nakumpiskang droga at muling pagbebenta nito sa merkado.
Umaasa tayong ang grupo ng mga pulis Pampanga noong 2013 ay hindi makasisira sa moral at balor ng PNP sa kabuuan. Kung maraming miyembro ng PNP ang tulad ng grupong ito, hindi kailanman matatapos ang problema ng droga sa bansang ito.