KUNG tawagin pala si Pres. Rodrigo Roa Duterte ng bunsong anak nila ni Honeylet Avancena na si Veronica o Kitty, ay Daddy Shark. Dinalaw ni PRRD si Kitty noong Lunes nang nakaraang linggo sa ospital dahil dinapuan ito ng dengue.
Sabi nga ni Sen. Christopher “Bong” Go na hanggang ngayon ay laging kasama ng Pangulo at kung minsan ay umaakto pang tagapagsalita kahit isa na siyang senador, alalang-alala si Mano Digong sa kalagayan ng bunso kaya hindi nakatulog sa loob ng 13 oras sa eroplano pabalik sa Pilipinas mula sa Russia.
Pagdating sa Davao International airport, nagmamadali siyang umalis at hindi nagtagal sa pagsasalita roon gaya ng nakaugaliang mahabang ad libs upang tuwirang magtungo sa pagamutan na kinaroroonan ng teenager na anak na na-dengue. Ang kanyang partner ay humahangos ding umuwi mula sa Germany upang tingnan ang may sakit na bunso.
Sa screengrab mula sa isang video na ibinahagi sa Instagram Stories ni Kitty, ipinakita ang amang Pangulo na kung tawagin niya ay “Daddy Shark”, na dumalaw sa kanya at tinitingnan ang kanyang kuwarto sa ospital. Si Kitty ay may nakakabit na dextrose tube sa kanang kamay. Magaling na siya at mataas na ang platelet count na bumagsak noon sa 52.
Palabiro rin pala si Kitty tulad ng amang Presidente. Akalain mong bansagan niya ang Pangulo bilang Daddy Shark o kung tatagalugin nang literal ay “Pating na Ama.” Kung sa bagay, may katwiran si Kitty dahil si PDu30 ay kasingbangis ng isang pating kapag ang isyu ay tungkol sa illegal drugs.
Parang binubuwenas ang Marcos Family sa panahon ng Duterte administration. Bakit kanyo? Si Imee Marcos ay nahalal na senador. Dinismis ng Sandiganbayan ang kasong sibil laban kay ex-Pres. Ferdinand Marcos, ex-First Lady Imelda Marcos, at sa umano’y cronies kabilang sina Bienvenido Tantoco Sr., Bienvenido Tantoco Jr., Gliceria Tantoco, Maria Lourdes Tantoco-Pineda at Dominador Santiago.
Ayon sa Sandiganbayan, nabigo ang Presidental Commission on Good Government (PCGG) na patunayan na nagkamal ng nakaw na yaman ang Marcos Family at iba pa mula noong 1965 hanggang 1986. Nagsumite ang Sandiganbayan ng mga ebidensiya na kinabibilangan ng real properties, shares of stocks sa iba’t ibang kompanya, cash, alahas, mga sasakyan at eroplano na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso.
Kung ‘di ba naman buwenas ang mga Marcos ngayon eh pinayagan ng Pangulo na mailibing ang bangkay ni Mr. Marcos sa Libingan ng Mga Bayani gayong ilang presidente ang hindi pumayag na maihimlay ang mga labi ng diktador sa nasabing libingan.
Habang sinusulat ko ito, hindi pa nagpapalabas ang Supreme Court na umaaktong Presidential Electoral Tribunal (PET), ng resulta ng botohan tungkol sa protesta ni ex-Sen. Bongbong Marcos laban kay Vice Pres. Leni Robredo. Kapag naging pabor ang desisyon ng PET sa electoral protest ni Bongbong, aba talagang buwenas ang Pamilya Marcos ngayon.
Kung ang Malacañang ang paniniwalaan, walang transport crisis sa Metro Manila tulad ng sinasabi ng ilang sektor at mambabatas kahit libu-libong commuters ang naiipit sa EDSA araw-araw samantalang ang nasa South ay naiipit naman sa bigat ng trapiko South Luzon Expressway (SLEX) dahil kinukumpuni ang Skyway roon.
Badya ni presidential spokesperson Salvador Panelo: “Ano ang ibig nilang sabihin sa transport crisis? Ngayon lang ay nakita ko ang trapiko. Merong transportasyon, nagagawa nating makasakay na lahat.” Sige nga Spox Panelo, minsan ay sumama ka sa akin sa pagmamaneho sa EDSA at sa C-5 hanggang SLEX?
-Bert de Guzman