HANGGANG sa kasalukuyan, patuloy na lumilikha ng kontrobersiya ang isyu sa bakuna na nagsimula pa sa nakaraang administrasyon, hindi lamang sa kaugnayan nito sa pambansang programa para sa kalusugan ngunit gayundin sa Kamara kung saan dalawang Kongresista ang nagbangayan ngayong linggo.
Sa isang sesyon ng Kamara de Representantes nitong Martes, kinuwestiyon ni Buhay party-list Rep Lito Atienza si Rep. Bernadette Herrera Dy hinggil sa muling pagkabuhay ng sakit na polio sa bansa, 19 na taon matapos maideklarang ‘polio-free’ ang bansa. Aniya, nawalan ng tiwala ang mga ina sa programang pagpapabakuna ng pamahalaan, dahil sa kontrobersiya sa Dengvaxia, kaya naman tinanggihan ng mga ito na pabakunahan ang kanilang mga anak mula sa karaniwan nang ibinibigay na bakuna laban sa
polio, dengue, at iba pang mga sakit.
Nabanggit din niya ang tetanus toxoid program noong 1996, na para sana protektahan ang mga kababaihan na maaaring magbuntis mula sa panganib ng tetanus. Ngunit kalaunan, aniya, natuklasan na ang programa ay bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang makontrol ang populasyon ng bansa.
Tumayo naman si Iloilo Rep Janette Garin, ang siyang kalihim ng Department of Health noong panahon ng Dengvaxia, at inakusahan si Atienza ng “spreading misinformation” na nagdudulot ang tetanus toxoid ng pagkabaog. Hinggil naman sa Dengvaxia, nangako itong magbibitiw kung mapatutunayan na nagdulot ng pagkamatay sa mga bata ang nasabing bakuna.
Sa kanyang talumpati, nagtanong si Congressman Atienza ng: “Has anyone been made accountable for the abuse in the implementation of the Dengvaxia vaccination program which, until now, brings fear and doubts to parents?” Dagdag pa nito: “The problem today is one of loss of credibility and confidence in women and mothers. Yun ang ating harapin.”
Hanggang sa ngayon ay hindi pa nareresolba ang kontrobersiya sa Dengvaxia noong 2016. Maraming batang nabakunahan ang namatay ngunit hindi pa rin naituturo kung sino ang dapat maging responsible rito. Wala ring sapat na ebidensiya para masampahan ito ng kaso.
Ngunit nariyan na ang naging pahayag ng Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng bakuna, na nagpahayag noong Nobyembre 2017, ilang buwan matapos maitala ang ilang kaso ng pagkamatay, na maaaring maging mapanganib ang bakuna sa mga indibiduwal na hindi pa nagkaka-dengue bago mabakunahan. Kung alam ito ng ating mga opisyal, maaaring hindi nila naipatupad ang mass vaccination sa mga bata sa mga paaralan sa tatlong rehiyon noong 2016.
Kung sa pag-amin na ito, lahat ng may kaugnayan—kabilang ang mga opisyal ng nakaraang administrasyon—ay dapat na akuin ang respondibilidad, sa halip na manggalaiti kung ang ilang opisyal tulad ni
Congressman Atienza ay mabanggit ang kontrobersiya sa Dengvaxia at makita itong dahilan ng maraming magulang, para tumanggi na mabakunahan ang kanilang mga anak laban sa polio, dengue, at iba pang sakit, na ngayon ay napapaulat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.