NANG i-sorpresa ni Regine Velasquez si Sharon Cuneta sa My 40 Years concert nito sa Araneta Coliseum noong 2018 ay marami ang gustong magsama sila sa iisang concert lalo’t pareho nilang gusto ang isa’t isa.

SHARON N REGINE1

Laking gulat ng Megastar nang lumabas sa entablado si Regine at sabi nga niya, ‘My Songbird.’ At pagkatapos naman nilang kumanta ay nabanggit naman ng huli, “natutulala ako kasi ngayon lang kita nakasama sa isang malaking (venue), nado-Dorina ako (karakter sa Bituing Walang Ningning), gusto kitang sabitan ng sampaguita.”

Certified Sharonian si Regine at si Sharon naman ay gustung-gusto si Songbird at pagkatapos ng My 40 Years concert ay napag-usapan ng dalawa na bakit hindi sila magsama sa isang concert at wala pang isang taon, nabuo na ang Iconic.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

At ngayong nga, magsasama na sa Iconic sa Oktubre 18 at 19 na gaganapin sa Araneta Coliseum sina Sharon at Regine ay heto at ginagawan naman ng isyu ang dalawa.

Ilang araw kasing maysakit si Sharon kaya hindi siya nakadalo sa rehearsal nila ni Regine bagay na ginawan ng kuwento na gawa-gawa lang ito ni Megastar dahil alam niyang masasapawan daw siya ni Songbird.

Ipinaliwanag ni Sharon na sa tuwing may concert siya ay talagang nagkakasakit siya.

“Sa tuwing may concert ako, meron talaga akong sakit, I’ll always post that at kahit abroad ako. I think it’s a combination of stress and your immune system is lower lalo na ako, eversince bata ako, sakitin ako, so matapang lang talaga akong magtrabaho.

“I think that’s very mean, I think that’s very unfair, gumagawa ng gulo na hindi naman tama and it’s funny kasi lagi naman talaga akong maysakit kapag concert. Wala namang gustong magkasakit di ba dahil ang daming gagawin hindi lang ‘yung concert mismo, we’re promoting. It’s hard for me na nagpo-promo, nagi-guest medyo physically hirap na hirap ako,”pahayag niya.

At tungkol sa sapawan isyu, “I have said this earlier that Regine is the better singer but we have two different style, I’ve also known my strength. We both have come so far for different reasons and those reasons were all valid so hindi puwedeng sabihing magsasapawan.

“So ibig sabihin kapag nag-concert si Reg, si Lani Misalucha tapos ako si Pops (Fernandez), si Moira (dela Torre), si Ice (Seguerra) so papatayin na lang ang hindi marunong bumirit dahil kakainin kaming lahat?” tumatawang sabi ni Shawie.

Dagdag pa, “it’s all different styles, parang nagko-compare ka ng apple and orange hindi naman puwede, magkaibang, magkaiba. It’s very mean to them to say that kasi napaka-disrespectful din naman kasi sa tinagal ko rito sa industriya na sobra namang maliitin ka na parang wala ka namang narating, e, hindi ko naman hiningi ‘yung titulong ibinigay sa akin (Megastar). Kung baga may narating naman ako maski paano ay marami na rin akong naging hit na kanta, magkaiba lang talaga ‘yung styles namin.

“Sa akin, that’s their problem na lang basta kami, we’re going to enjoy and it doesn’t matter to me what’s their comments will be, basta kami we’re celebrating and it’s true that I have so much respect and admiration for REgine, but you know, I’m not starlet that start from nowhere (sabay tawa), I’ve work hard also to get where I am so, it’s coming together from two different quality of voices, different personalities and I hope they respect that.

“Siguro hindi ‘yan fan ni Regine o fan ko, siguro kahit anong gawin may comment siya iba-iba lang account, and siguro mayroon siyang free data, inuubos na lang niya kaya hayaan na lang natin siya.”

Nagbigay din ng pahayag si REgine sa isyu, “If I may say also, una we don’t need here to compete with each other saka lahat po ng concerts na ginagawa ko, hindi po ako nagko=compete, I’m a team player, hindi ako (ganu’n). Kaya hindi naman po fair to say that. Obviously we both have different styles and I’ve worked with other artists na iba rin ‘yung style nila, hindi po ako nanlalamon, hindi po ako cannibal (sabay tawa nang dalawa). This is a coming together of two artists, two singers na may magkaibang style. We blend so well, so don’t compare, it shouldn’t.”

Biro naman ni Sharon, “siguro lonely childhood (nangi-intriga).”

Samantala, karamihan sa repertoire sa Iconic concert ay pawang hit songs nina Sharon at Regine at marami rin silang dueto.

Ang producer ng concert ay sina Cacai Velasquez-Mitra at Nancy Yang at ang musical director ay sina Raul Mitra at Louie Ocampo, si Rowell Santiago naman ang stage director. Ang Iconic concert ay sponsor ng PLTD, Family Rubbing Alcohol, Manila Bankers Insurance, San Miguel Corporation at marami pang iba. Habang produce ang Iconic ng iMusic Entertainment Inc. at NY Entourage Productions Artist House.

-REGGEE BONOAN